EDITORYAL - Di pa dapat mag-reduce sa physical distancing

Pabigla-bigla kung magpasya ang Department of Transportation (DOTr) kaugnay sa pag-reduce ng physical distancing ng mga pasahero sa pampublikong sasakyan. Laging nagmamadali na para bang sila lagi ang tama. Marami ang nagulat nang biglang ihayag ng DOTr na babawasan ang 1-metrong pagitan ng mga pasahero sa bus, dyipni, Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit.

Sa halip na one meter, magiging 0.75 meter na  ang agwat. Ito ayon sa DOTr ay upang maraming maisakay na pasahero ang PUVs. Kawawa naman daw ang mga pumapasok na empleyado na hindi makasakay sapagkat okupado na lahat ang upuan sa bus dahil nga sa physical distancing. Kung mababawasan sa isang metro, makapagsasakay umano ng walo hanggang siyam na pasahero. Sa plano ng DOTr, buwan-buwan ay babawasan ang distansiya ng mga pasahero.

Ipinatupad agad noong Lunes ang bagong polisiya. Marami ang nangamba at marami ring bumatikos sapagkat maaaring dumami ang kaso ng COVID-19. Hindi na dapat baguhin ang distansiya.

Pero noong Huwebes, binawi rin ng DOTr ang kontrobersiyal na plano. Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, suspendido na ang reduce physical distancing sa mga pasahero.

Inihayag din ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pagsuspende ng DOTr sa plano nang makipagmeeting sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF). “Ang 0.75 meter rule ay suspendido muna. Balik muli sa one-meter rule hanggang magdesisyon ang Presidente sa bagay na ito,” sabi ni Roque. Kahapon, sinabi ng President Duterte na mananatili ang isang metrong distansiya.

Mabuti at nagpasya agad ang Presidente sa bagay na ito. Hindi naman talaga dapat bawasan ang 1-metrong distansiya ng pasahero lalo sa panahong ito na marami pa ang kaso ng COVID-19. Huwag magmadali ang DOTr sapagkat ang nakasalalay dito ay ang kaligtasan nang marami. Mas malapit sa isa’t isa, mas malaki ang tsansa na magkahawahan. Makabubuti rin kung kumunsulta muna sa health experts bago magpatupad ng polisiya.

Dagdagan na lamang ang mga bumibiyaheng bus at dyipni para may masakyan ang mga pasahero. Sa kasalukuyan, marami pang ruta ng dyipni ang hindi pa binubuksan kaya kulang ang mga sasakyan. Mas magandang ideya na dagdagan ang sasakyan kaysa i-reduce ang physical distancing.

Show comments