EDITORYAL - Kinakawawa ang health workers

TOTOO na ang kalahati ng katawan ngayon ng health workers ay nasa “hukay”. Sila ang nasa unahan at nakakasagap ng virus mula sa mga pas-yente na kanilang dinadaluhan. Kahit na gaano pa ang pag-iingat nila at kumpleto sa kagamitan para proteksiyunan ang sarili, hindi pa rin sila ligtas sa bangis ng coronavirus. Sila ang tinatamaan at ang masakit, may mga nagbubuwis ng buhay. Hindi nila gusto ang nangyari. Dahil sa pagtupad sa tungkulin na gamutin at paglingkuran ang mga infected ng virus, kasama rin silang nabibiktima.

Sa tala ng Department of Health (DOH) mula Marso hanggang Mayo, mayroon na umanong 2,314 na health workers na nagpositibo sa COVID-19. Sa bilang na ito, 35 na umano ang namatay at 938 na ang nakarekober. Ngayong buwan na ito, wala pang naitatalang namatay sa health workers.

Mataas ang bilang ng mga nurses na nagka-COVID-19, 841 kaso; sinundan ng mga doctor, 671 kaso; nursing assistants, 144; medical technologist, 84; radiologic technician, 42; at non-medical staff, 284.

At sa kabila na ang mga health workers ay nasa “hukay” ang kalahati ng katawan, tila hindi naman ito nakikita ng DOH. Malayo ang kanilang tingin at hindi nakikita na dapat buhusan ng suporta, tulong at iba pang ayuda ang health workers. Kung wala ang mga ito, sino ang haharap at mag-aasikaso sa mga apektado ng virus.

Sa kabila na mayroon ng mga namatay na health workers, hanggang ngayon ang mga benepisyo na dapat matanggap ng mga yumao ay hindi pa naipagkakaloob sa mga kaanak nito. Sa ilalim ng Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act, lahat ng mga namatay at nagkasakit na health workers ay mayroong compensation. Nakasaad sa batas na ang magkakasakit na health workers ay makatatanggap ng P100,000 at ang namatay ay P1 milyon na ipagkakaloob sa pamilya nito.

Pero hanggang ngayon, wala pang natatanggap ang mga kaanak ng yumaong health workers at ganundin ang mga nagkasakit. Anong nangyari at hindi pa ito naibibigay ng DOH?

Nang malaman ni President Duterte ang ukol dito, nagalit siya at ipinag-utos sa DOH na ibigay ang benepisyo bago sumapit ang Hunyo 9. Binigyan niya ng ultimatum ang DOH.

Paano kung hindi nalaman ng Presidente ang  bagay na ito? Hindi kikilos ang DOH? Huwag namang kawawain ang health workers.

Show comments