Rubbing alcohol ang gawin imbes na alak

Suhestyon ko ito sa mga liquor manufacturers kahit sa panahong ito lang na may pinupuksa tayong pandemic: Habang marami pang lugar ang nagpapairal ng pagbabawal sa bentahan ng alak, bakit hindi rubbing alcohol ang gawin ninyo?

Ang paggawa ng alak ay isang industriyang nagbibigay ng malaking revenue sa bansa tulad ng ibang bisyo gaya ng sigarilyo. Umaaray na ang mga manufacturers ng nakalalasing na inumin dahil sa pagkalugi ng kanilang negosyo habang ipinaiiral ang pagbabawal sa bentahan ng alak dahil sa Enhanced Community Quarantine o General Community Quarantine upang pigilin ang paglaganap ng COVID-19.

Sa ibang mga lugar ay inalis na ang liquor ban. Nauunawaan natin ang negatibong epekto ng liquor ban sa ekonomiya, pero sa tingin ko, wala pa sa panahon na ito ay luwagan o tuluyan nang alisin. Hindi pa lubusang nasusugpo ang COVID-19 at kailangan pa ring magpairal ng mga panuntunan gaya ng social distancing bagama’t pinayagan nang mag-operate ang ilang piling negosyo para hindi naman lubusang maparalisa ang ekonomiya.

Sa ngayon lang na ipinaiiral pa ang liquor ban sa mara-ming lugar, marami pa ring mga pasaway na lumalabag sa mga quarantine protocols. Paano pa kung tuluyang papa-yagan ang pagbebenta ng alak? Ang mga taong “senglot” ay malakas ang loob na sumira sa mga itinakdang panuntunan. Malamang mapapaaway pa sila sa mga taong nakadestino sa mga checkpoints kapag sila ay sinita.

Ano ang magandang remedyo para hindi naman matigil ang operasyon ng mga distillers? Eh di sa halip na alak, gumawa muna ng rubbing alcohol na lubhang in demand sa panahong may pandemya. Napakagandang option niyan dahil hindi na tayo magkakaroon ng kakulangan sa alcohol na nauubos nang mabilis bunga ng panic-buying.

Mawawala pansamantala ang kinukolektang sin taxes ng gobyerno pero kung susuriin, ang buting maidudulot nito ay napakalaki sa panahong ito na nakikibaka pa rin ang buong daigdig laban sa salot na COVID-19.

Show comments