Quarantine unti-unting paluluwagin na

Inip na ba kayo at nabuburyong sa napakahabang “house arrest” nating mga Pilipino ? Ako rin!

Pero kung “sakto“ ang tinuran ni Presidential Spokes­man Harry Roque, medyo paluluwagin na ang ipinatutupad na community quarantine bukas sa siyam na lalawigan. Sakop diyan ang Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Albay at Catanduanes sa Luzon; Antique, Aklan, Capiz at Panay sa Visayas; at Davao del Norte at Davao de Oro sa Mindanao.

Ang Metro Manila, Central Luzon (puwera ang Aurora province,) Calabarzon region, Pangasinan, Benguet ka-bilang ang Baguio City, Iloilo, Cebu at Davao ay mananatili sa ECQ hanggang May 15. Sana ay tuluy-tuloy na ito hanggang tuluyan nang magbalik sa “old normal” ang situwasyon at maglaho na ang COVID-19.

Samantala, yun naman daw mga lugar na natukoy na may mababa hanggang katamtamang kaso ng COVID-19 ay puwede nang magbalik sa operasyon ang ilang industriya. Puwede na ring bumiyahe ang ilang transportasyong pampubliko.

Sa rekomendasyon ng Inter-agency Task Force (IATF) na siyang nag-aaral at bumubuo sa mga hakbang sa pakikipaglaban sa COVID-19 pandemic. Ang Enhance Community Quarantine ay tatawagin na lang General Community Quarantine (GCQ) sa bisa ng nilagdaang Resolution 29.

Malayo pa sa normal ang situwasyon at kailangan pa ang ibayong sakripisyo. Ngunit kung pare-pareho nating gusto na magbalik sa dating normal ang situwasyon, sumunod muna tayo sa tinatawag ng Malacañang na “new normal.” Hindi lang naman tayo ang nakakaranas ng problemang ito kundi ang buong daigdig.

Show comments