Armadong tanod?

BINARIL ang magkasintahang nakasakay sa motorsiklo dahil hindi sila umano huminto sa checkpoint ng mga barangay tanod sa Bgy. Sto. Angel, San Pablo, Laguna. Umikot umano ang motorsiklo nang mapuna ang checkpoint. Para sa mga tanod, sapat na dahilan na ito para barilin sila. Tinamaan ng ilang beses sa may tiyan ang nakasakay na babae. Dinala sa ospital at ligtas na. Pauwi na ang magkasintahan nang maganap ang insidente.

Batay sa imbestigasyon, natakot ang 17-anyos na lalaki dahil nagmamaneho na walang lisensiya. Pero sapat na dahilan nga ba ito para barilin sila? At akala ko ba ay bawal ang armadong tanod matapos ang madugong insidente sa Shaw Blvd. noong 2017? Bakit armado ang mga tanod sa San Pablo, Laguna? Dahil ba lalawigan kaya makakalusot na sila? Ang alam ko may utos si DILG Sec. Año na bawal magdala ng armas ang mga barangay tanod. Wala ba silang respeto kay Año? At binaril ba sila ng lalaki o ng babae kaya rumesponde sila?

Dapat malaman kung sino sa mga tanod ang bumaril para maaresto at makasuhan. Bawal naman pala kaya wala silang karapatang paputukan ang dalawa na hindi rin naman sila pinaputukan. Iyan ang mahirap sa checkpoint. Isang mali lang ng nagbabantay ay puwede ka nang malagay sa peligro. At magsilbi na rin itong leksiyon sa lahat. Bawal ang magmaneho nang walang lisensiya. Walang nakaaalam kung ano ang puwedeng mangyari sa kalsada. Ang insidente ang patunay sa paalalang ‘yan.

May pagkakamali ang lalaking nagmomotor. Wala siyang lisensiya. Pero sapat na na ba ‘yun para siya patayin? Iyan na ba ang sagot sa lahat dahil madalas ito ang bukambibig ng Presidente? Paano kung napatay ang dalawa? Pasensiya na at nagkamali sila? Sana madakip ang bumaril dahil may pananagutan siya kahit barangay tanod pa. May bisa ba ang utos ng DILG secretary sa mga lalawigan?

Show comments