Internet sa buong mundo maaring ibuga ng satellites

NOON pang dekada-’90 matalas na ang camera ng satel­lites. Mula sa altitude na 36,000 kilometro sa outer space ka­yang ma-video ang kaha ng sigarilyo ng tao sa plaza sa ibaba. Malakas din ang audio signal. Nakaka-relay ng TV shows ng iba’t-ibang bansa nang kalahating segundo lang ang time delay. Malaking bagay ang “line of sight” sa satellite: kung walang sagabal sa video o audio, klaro ang resulta.

‘Yon ang prinsipyo sa Internet connection sa pamamagitan ng satellite. Plano ni imbentor na Elon Musk mag-beam ng wifi connection hindi na mula sa mga tore sa lupa kundi orbital object sa ere. Kapag nagawa niya ito, lahat ng tao sa mundo ay magkakaroon na ng Internet connection. Sa ngayon kasi, kalahati lang ng world population, o 3.65 bilyon ng 7.3 bilyong tao, ang connected. Kapag maihabol ang nalalabing 3.65 bilyon pa, mapapadali ang kanilang buhay.

Kritikal sa kanila ang magka-wifi para sa direktang komuni­kasyon. Maibebenta nila ang mga pananim o pastol sa mas mataas na halaga imbes na umasa sa middlemen. Mapapamura ang mga kailangan nilang kagamitan sa tra­baho at bahay: kalan, refrigerator, gadgets. Gan’un din ang pagkain, tubig at kuryente, dahil direkta na sila sa producers. Makaka-kontak sila agad ng doktor, pulis at kagawad ng pamahalaan. Aasenso ang kanilang buhay. Makakaahon sila mula sa kahirapan.

Para walang putol na Internet connection, magpapa­lipad ang kumpanyang SpaceX ni Mr. Musk ng 12,000 maliliit na satellites. At imbes na sa taas na 36,000 km, nasa 350 km lang kaya hindi na kailangang tumbasan ang bilis ng orbit ng mundo. Sa gan’ung dami at altitude, masasaklaw ng Internet satellites lahat ng sulok ng daigdig. Ang isyu na lang ay halaga ng proyekto; pero sa galing ng teknolohiya kayang pababain ang presyo ng serbisyo at produkto.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments