Workers bigo sa ‘endo’ AKSYON NGAYON Al G. Pedroche

BIGO pa rin ang sektor ng paggawa na marinig sa labi ni Presidente Duterte ang paghimok niya sa dalawang Kamara­ ng Kongreso na pagtibayin na ang bill para iba­sura ang kontraktuwalisasyon o “endo”.

Natapos ang mahigit sa isang oras na State of the Nation Address ng Pangulo nang wala man lang kahit kapirasong banggit tungkol dito. Kung tutuusin, sa naka­raang SONA ng Pangulo nung isang taon, nilagdaan na niya bilang priority bill ang batas na tumatapos sa contractualization ngunit tila nasa isang sulok pa rin ang bill, bagay na ikinagagalit ng uring manggagawa.

Ang tanong, ‘di ba pinapahalagahan ng mga solons ang pag-endorso ng Pangulo o mayroon nang hidden understanding na ibitin ang pagpapatibay sa batas dahil sa pressure mula sa mga investors?

Sa isyung ito, nauunawaan natin na mistulang naka­ipit sa dalawang nag-uumpugang bato ang Pangulo. May malasakit siya sa mga manggagawa pero may pressure naman mula sa mga investors na maaaring mag-atras ng puhunan at magreresulta ng kawalan ng trabaho.

Iyan ang economic dilemma na kinakaharap ng pama­halaan. How to have best of both worlds. Batid ng lahat na kailangan ng bansa ang mas maraming trabaho kaya patuloy na sinusuyo ng pamahalaan ang mga dayuhang mamumuhunan na magtayo ng negosyo sa bansa.

Para magawa ito, ginagawang bargaining leverage ang mga obrero. Naaakit ang mga investors dahil mababa­ ang sahod ng mga manggagawa rito at mayroon pa ngang­ “endo” para maiwasan na sila’y maging regular at tumaas ang sahod.

Dapat marahil ay kausaping mabuti ng pamahalaan ang mga investors upang ipamukha sa kanila na ang tagumpay ng negosyo ay nakasalalay sa isang labor force na kuntento at hindi binabarat na parang paninda sa palengke.

Show comments