EDITORYAL - Kailan lilinisin ang PhilHealth?

ISANG buwan na ang nakalilipas mula nang italaga ni President Duterte si retired AFP General Ricardo Morales na pinuno ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) pero hanggang ngayon wala pang nakikitang pagbabago o pag-revamp kaya sa mga opisyal at tauhan sa nasabing tanggapan. Ibig sabihin, mga dati pa rin ang naroon at maaaring mga corrupt pa rin. Kung ganyan ang senaryo, hindi pa rin ligtas ang pondo ng PhilHealth. Maaaring nakukutsaba pa rin ang mga nasa PhilHealth na mga corrupt ding may-ari ng ospital, clinic at dialysis center para maka-reimburse sa mga pinekeng nag-dialysis kuno.

Nabisto ang masamang gawain ng dalawang dating­ empleyado ng isang dialysis center sa Novaliches, Quezon City ang nagbulgar na pinepeke ang mga pirma ng pasyenteng nag-dialysis. Pero ang totoo, patay na ang mga pasyente. Ayon sa dalawang dating­ empleyado ng WellMed Dialysis Center, patuloy umano itong naniningil sa PhilHealth kahit patay na ang dina-dialysis. Inaresto ng NBI ang may-ari ng WellMed at kinasuhan pero nakapagpiyansa.

Ayon sa report, marami pang dialysis center ang gumagawa ng ganito at karamihan ay pinepeke ang pirma ng pasyente para makasingil. Madali lang naman umanong maproseso sa PhilHealth sapagkat mayroon ngang mga corrupt na kakutsaba roon. Sa galit ng Presidente, makaraang malaman ang “ghost dialysis”, agad sinibak ang chairman at mga matataas pang opisyal at itinalaga si Morales. Naniniwala ang Presidente na magagampanan ng dating heneral ang tungkulin sa PhilHealth.

Nakalulula naman ang report na umabot na sa P154-bilyon ang “bogus” claims sa PhilHealth. Kung magpapatuloy ang ginagawang bogus claims, matu­tuyuan ang ahensiya at walang ibang kawawa kundi ang mga miyembro. Wala nang gagamiting pondo sa kanila sapagkat nasimot na.

Hinihintay ng taumbayan ang paglilinis sa PhilHealth. Isakatuparan na ito sapagkat ito rin ang gustong mangyari ni President Duterte. Huwag nang hayaang manatili pa ang mga kawatan.

Show comments