Tatlong hari

LAMAN ng media ngayon ang tatlong giant killer na nama­yani sa kani-kanilang mga lungsod nitong katatapos na halalan. Napapag-usapan dahil sa bigat ng mga katunggaling natalo nila, at dahil din sa kanilang edad. Sina Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ng Maynila, Vico Sotto ng Pasig at Francis Zamora ng San Juan ay nagmula sa bagong henerasyon ng mga pinuno. Tatlong haring namamayagpag.

Matagal nang kontrolado ng mga naunang heneras­yon ang pamumuno ng mga pangunahing lungsod sa Metro Manila. Ang tagumpay ng tatlong ito ay senyales na nag­bago na rin ang anyo ng pulitika at ng mga botante sa nga­yon. Ang dating mga nakaugaliang pamamaraan ay naungusan na ng bagong istilo. Hindi ibig sabihin na nire-reject na ng tao ang nakasanayan. Maaring handa lamang silang subukan ang iba pang uri ng pamamalakad. 

Kung may katangian ang tatlong lingkod bayan na ikinatutuwa ng mga nakamasid sa pulitika, ito ay katotohanang nag-umpisa sa ibabang baitang bago nangahas sa mataas. Lahat sila ay naunang naging miyembro ng konseho. Sa posisyong ito ay nagmatrikula upang maramdaman at maintindihan bilang tagagawa ng patakaran kung ano ang pangangailangan ng lungsod. Bata pa nga subalit hindi sila matatawag na bagito. Sila’y mga batikan sa kanilang larangan. 

Magandang pangitain ito dahil hindi na kailangang pag-aralan ng puspusan ang katungkulang hahawakan. Nasuri na nila ng husto nang manilbihan bilang bahagi ng konseho. Maayos din ang ganitong kuwalipikasyon dahil mata­tangay nila sa mahalagang management teams ang mga kasamahan na kung kanino ay may chemistry o mas jibe na sila. Mapapagaan pihado ang trabaho. 

Kitang-kita sa kanilang pagpupursigi nitong mga unang araw ang kanilang high energy. Para kang madadala rin na punumpuno sila ng gana. Maganda ang ganitong pagka-atat at maiaangat din ang energy level ng kanilang mga pamahalaang lungsod. 

Show comments