Leadership quest sa Kongreso

TAPOS na ang eleksyon at napili na ang mga mamba­batas­ na bubuo sa Senado at Kamara de Representante­. Tiyak­, ang magiging mainit na issue ngayon ay ang pagpili ng dalawang mamumuno sa House at Senado. Tatlong taon na lang at tapos na ang term ni Duterte. Ngunit marami pang bills ang pangulo na dapat bigyang atensyon. Sana, pag-isipang mabuti ng mga mambabatas sa House kung sino ang nararapat iluklok na tunay na magtataguyod at ipaglalaban ang mga legis­lative agenda ni Digong. 

Sa House of Representatives, may apat na persona­lidad na sinasabing mag-aagawan sa puwesto ng Speaker­. Umm, patapos na ang happy days ni Speaker GMA. Ang mga matutunog na mag-aagawan sa puwesto ay sina Alan Cayetano, Martin Romualdez, Pantaleon Alvarez at Lord Allan Velasco ng Marinduque.

Very close raw sa mga Duterte si Velasco. Pero, sapat ba ang closeness para siya ang maging Speaker? Between him and Senator-elect Bong Go, milya-milya ang agwat nila kung pagiging malapit kay Digong ang pag-uusapan. Loves ni Digong si Go na parang anak pero hindi man lang naiangat si Go sa top-5 sa Marinduque nung halalan. 

Numero uno si Go sa Davao pero hindi dahil kay Alvarez  kundi taal siyang tagaroon. Sa Tacloban naman na bailiwick ni Romualdez, numero tres lang si Go at numero tres din siya sa Taguig na teritoryo ni Cayetano.

Mapapaisip ka tuloy kung kaya bang suportahan at itawid ni Velasco ang legislative agenda ni Duterte sa kongreso na mismong si Bong Go nga ay hindi nito nakuhang itawid sa top 5 sa kanyang lugar sa Marinduque.

Noong 2016 presidential election, hindi si Digong ang sinuportahan ni Velasco kundi si Grace Poe. Samantalang si Cayetano, naging running mate ni Digong at si Alvarez, naging speaker ng kamara sa unang dalawang taon ng Duterte administration. Ang tanong, ano ba talaga ang nagawa ni Velasco ‘di lang sa pangulo­ kundi pati sa inambayan?

Siguro naman, titimbangin ng mga mambabatas ang merito ng bawat aspirant at umaasa akong mapipili ang tunay na karapat-dapat.

Show comments