Tagumpay ng taumbayan

KANYA-KANYA tayong karanasan sa voting precincts sa mid-term elections noong Lunes. Sa Sampaloc, Manila, ay maayos naman at walang naengkuwentrong isyu. Nagulat nga ako na bagama’t 8:30 ng umaga na nakarating sa classroom/precinct, halos wala kaming kasabay ng anak ko. Mababait ang aming Board of Election Inspectors na pihadong mga guro ng mismong paaralan. Sa proseso naman ay maingat at mahinahong naipaliwanag ang pro­sesong dapat sundin.

May mga nadaanan kaming classroom na kayhahaba ng pila. At saka ko na lang nalaman na dahil pala ito sa pag-overheat ng Vote Counting machines (VCM). Sa isang karanasang minsan mo lang pagdaanan kada tatlong taon, ikaiinis mo talaga na para kang pinahihirapan pa para lang makaboto.

Ang muntik nang malimutan ng aking anak na siya ring naging reklamo nang marami ay ang pagboto sa party list. Nasa likurang parte kasi ng balota ang talaan at mga bo­xes ng kandidatong partido. Ang balita ko ay mahigit lang 40% ng pagkalahatang bumoto ang nakapag-check din ng kanilang piling party list. Hindi pa alam kung may kina­laman ang pagkalagay nito sa likurang bahagi sa mababang istatistika.

Maging ang paghintay sa resulta at ang agarang pagkilos ng mga board of canvassers para maiproklama agad ang mga nanalo ay bagay na ikatutuwa. Pinagpasyahan na ng taumbayan ang mga nagsusumamo. Wala nang dapat pang idagdag o sabihin. 

Maraming hindi inaasahan ang nanalo sa kampanyang ito. Naging mapayapa naman ang pagtanggap ng resulta. Ang walang insidenteng paglipat ng kapangyarihan mula sa kanila papunta sa mga kapalit ay isang magandang larawan nang maayos na demokrasya. Kapag ang taumbayan na ang nagsalita, pasya ito ng tunay na humahawak ng kapangyarihan. Respeto. 

Sa lahat ng mga hindi pinagpala, bayan ay nagpapasalamat na kayo’y nakilahok at pinayaman ang aming karanasan na makapamili. Sa mga nagwagi, congratulations at sana ay mapangatawanan ninyo ang lahat ng pangarap para sa bayan.

Show comments