EDITORYAL - Hamon sa PNP ang US travel advisories

KABILANG ang Pilipinas sa mga bansang marami ang nakikidnap at naho-hostage kaya nag­labas ng travel advisories ang US State Department ukol dito. Hindi man tuwirang sinabi na huwag magtungo sa bansa ang kanilang mamama­yan at baka makidnap, parang ganito na rin ang ibig sabihin. Sa advisories na ito, tiyak na maraming aatras para bumisita sa Pilipinas. Nataon pa ang paglalabas ng advisories kung kailan maraming turista ang dumadagsa sa bansa ngayon dahil summer season. Paboritong destinasyon ng mga dayuhan ang beach resort sa Boracay, Palawan, Bohol, Mindoro, La Union at iba pa.

Ang travel advisories ng US ay dapat namang maging hamon sa Philippine National Police (PNP) para sugpuin ang kidnapping syndicate na patuloy na namamayani sa kasalukuyan. Hindi masisisi ang US na maglabas ng advisories sapagkat may bahid ng katotohanan ang kanilang sinasabi. Talaga namang may mga nagaganap na kidnapping at pangho-hostage. Patunay ang ginagawa ng mga teroristang Abu Sayyaf sa mga dayuhan. Kamakailan lang, may mga kinidnap na Malaysian national naman ang Abu Sayyaf sa Jolo. May ilang Koreano at Chinese ang kinidnap din.

Bago mag-Semana Santa, nakunan ng CCTV ang pagkidnap ng mga umano’y pulis sa security chief ng pinaslang na Tanauan mayor Antonio Halili­ sa loob ng isang hotel sa Sta. Rosa, Laguna. Biglang nagdatingan ang mga armadong lalaki sakay ng van at dinukot ang biktimang si Allan Fajardo. Hanggang ngayon, wala pang balita ukol kay Fajardo.

Malaking hamon sa PNP ang sunud-sunod na kidnapan. Dapat ay ipakita ng PNP na kaya nilang pigilan ang mga kidnaper para naman maging pa­yapa ang kalooban ng mga turista at mamamayan mismo. Kung malilipol ang mga kidnaper darami pa ang mga bibisitang turista at tagumpay ang turismo.

Show comments