Mabilis umasenso ang Cagayan de Oro

KUMPARA sa ibang lalawigan, mabilis umasenso ang Cagayan de Oro. Masasabi kong dahil magaling ang local official kaya ang mga investor ay madaling mahikayat mamuhunan sa lalawigan. Siyempre hindi naman madali ang paghikayat ng mga investor sa naturang lugar kung mahina ang mga pulis. Di ba mga suki? Seguridad kasi ang pangunahing programa na dapat na ipairal upang maging ligtas ang mga namumuhunan at siyempre pati na mga komunidad. At katulad ng inaasahan sa ipinakitang sipag at dedikasyon ng local officials at mga pulis, naging mapayapa ang lalawigan kaya yuma­yabong ang kalakalan na nakapagbibigay ng trabaho sa mga residente roon. Sa ngayon kasi, bumaba ng 45 porsiyento ang krimen sa CDO matapos paigtingin ng lokal na pamahalaan ang kanilang kampanya sa krimen.

Ayon sa Police Regional Office Region 10, mula 7,487 kaso noong 2017, bumaba ang naitalang krimen sa lungsod sa 4,118 noong 2018. Kasabay nito, tumaas din ang crime clearance efficiency sa CDO. Mula 72.4% noong 2017, umakyat ang crime clearance efficiency sa 87.2% noong 2018. Sa tala ng CDO Police Office, uma­bot sa 5,422 ang na-clear na kaso noong 2017 at 3,593 naman noong 2018. Ayon pa sa pulisya, mayroon silang naresolba na 3,177 kaso ng krimen noong 2018 at 4,740 naman noong 2017. Ito ang pangunahing programa ng local government na in-na in sa mga negosyante at sa mismong mga residente roon. Sa katunayan ipinaabot sa akin ni CDO city Mayor Oscar Moreno na pinagtutuunan nila ng pansin ang kapayapaan at seguridad sa lungsod. Sabi ni Moreno, “Peace is an entitlement of the people. The beauty of bringing development to the countryside is you know that it is needed and you know that it will have its optimal results. Giving the people in the mountains the opportunity to live a life that those in the highways have long enjoyed is beyond compare.”

Inaasahan ng lokal pamahalaan na patuloy na bababa ang insidente ng pagpatay at pagnanakaw sa CDO. At ngayon nga na umaarangkada na ang election period nasisiguro ko na maglalabasan na naman ang “epal” na pamumulitika ng ilang pulitiko. Kahit na anong galing ng nakaupong pulitiko, pilit pa rin itong sinisiraan ng ilang ambisyoso upang maagaw ang trono. Subalit may mungkahi lamang ako sa inyong mga kapwa ko botante, ngayon pa lang mag-isip na kayo ng iluluklok sa trono. Kapag nagkamali kayo ng desisyon tiyak na pagsisihan n’yo sa huli. Huwag kayong maniwala sa mga boladas ng ilang pulitiko. Maging mapagmasid kayo at pag-aralang mabuti ang kanilang ipinangangakong programa dahil ito ang magiging giya sa pag-asenso ng inyong kabuhayan. Get n’yo mga suki!

Show comments