Manong, salamat

KAHAPON ay ginunita ng pamilya at kaibigan si Ernesto M. Maceda, ang aking ama. Kung siya’y nabubuhay pa, pang 84 na taon sana niyang kaarawan. Sa mga text at tawag, muling nabuhay sa aming isip at damdamin ang mga katangian ni Manong Ernie na tumatak ng malalim sa alaala. Ngayong panahon ng kampanya, lalo na’t may 12 na posisyon sa pagka-senador na binuksan, higit pang kinasabikan ang kalibre ng serbisyong Maceda.

Kinilala si Manong Ernie, si Mr. Exposé, sa kanyang mga inakdang batas; sa kanyang hindi mabilang na imbestigasyon sa katiwalian; sa kanyang mga mabibigat na talumpati na bahagi ng pagkumpuni sa napakaraming patakaran ng pamahalaan sa loob ng mahigit 50 years ng panunungkulan. Ang lahat ng ito’y nakatulong ng malaki sa kinasasakupan. 

Subalit hindi lang ito ang mahalagang ipinamana. Ang hindi malimutan ng marami ay ang kung papaano niya pinatupad ang paglingkod sa bansa. Una, para kay Manong ay hindi biro ang manungkulan. Tinawag itong the most hard working Senator. Araw araw, 4 a.m. pa lamang ay gising na siya at nagbabasa ng dyaryo o kung hindi ay lumilibot na sa mga palengke at nakikibalita. Lagi itong unang dumating sa Senado, at sa kanyang opisina – madalang na siya’y maunahan ng empleyado. 

Ang kanyang mga posisyon sa mga usaping pang-gob­yerno ay laging bunga ng masusing pag-aaral. Hindi ito kakasa kung hindi sigurado sa research. Dala ito ng pagpapahalaga sa tiwalang bigay ng tao – kailangan ay laging suklian ng serbisyong tapat. 

Batang naging senador si Manong Ernie – inabutan niya sa Senado noong 1971 sina Ambrosio Padilla, Jose Diokno, Gerardo Roxas, Ninoy Aquino, Arturo Tolentino, Lorenzo Sumulong, Jose Roy, Jovito Salonga, atbp. Marami itong napulot na aral sa mga higante ng kasaysayang nabanggit kung kaya nang siya naman ay nasabayan ng mga bagito sa Senado, hindi ito nag-atubiling ibahagi ang natutunan. Kabilang sa mga nagpasalamat sa pagmatrikula sa kanya ay sina Senador Rene Saguisag, Juan Flavier, Gloria Macapagal Arroyo, Frank Drilon, Vicente Sotto III.

Happy Birthday sa aking ama. Ang kanyang halimbawa ay patuloy na nagsilbing inspirasyon sa mga naghahangad ding maglingkod sa bayan. 

Show comments