EDITORYAL - Daming tutol sa dobleng plaka ng motorsiklo
(Pilipino Star Ngayon) - March 26, 2019 - 12:00am

ISANG linggo makaraang lagdaan ni President Duterte ang Republic Act 11235 o Motorycle Prevention Act binabatikos nito. At walang ibang bumabatikos kundi mga motorcycle riders mismo. Ang dahilan, ayaw nila ng dobleng plaka. Sa ilalim ng batas, malaki na ang plaka ng motorsiklo at dapat ay dalawa ito – isa para sa unahan at isa sa hulihan. Sabi ng mga riders, delikado ang paglalagay ng dalawang plaka sapagkat maaaring maputol ito sa lakas ng hangin. Kapag naputol, maaring tumama ito sa ibang motorista.

Noong Linggo, 50,000 motorcycle riders ang nagtipun-tipon sa People Power monument sa EDSA at inihayag ang pagtutol sa paglalagay ng dalawang malalaking plaka sa kanilang motorsiklo. Mahigpit umano nilang tinututulan ang RA 11235. Dapat daw ay dumaan sa matinding pag-aaral ang batas bago ipatupad. Masyadong delikado ang malaking plaka. At paano raw ilalagay ito gayung iba’t iba ang di-senyo ng motorsiklo.

Sa ilalim ng batas, magkakaroon na nang ma­la­king plaka ang mga motorsiklo at tricycle na ilalagay sa harap at sa likod. Magiging color-coded na rin ang registration ng mga motorsiklo para madaling malaman kung saang lalawigan o rehiyon ito nakarehistro kung sakali mang masangkot sa aksidente o krimen.

Nakasaad sa RA 11235 na ang sinumang lalabag o hindi susunod sa pagkakaroon nang malaking plaka ay mabibilanggo ng 6 hanggang 12 taon at pagmumultahin ng P50,000 hanggang P100,000. Nakasaad din sa batas na dapat ay may impounding area ang local government units (LGUs) sapagkat kasama sa parusa ang pagkumpiska sa mga motorsiklo o traysikel ng sinumang lalabag.

Sa pagkakaroon nang malaking plaka, hindi na makalulusot ang mga gagawa nang masama gaya nang pagsalakay ng riding-in-tandem na nanghoholdap o pumapatay. Kung may gagawing masama ang riding-in-tandem, makikita na agad ang kanilang plaka. Pati ang mga nakamotorsiklong nang-aagaw ng bag at cell phone ay tiyak na matitiklo.

Huwag na sanang tutulan ang implementasyon ng batas na ito. Sumunod na lamang sapagkat makabubuti ito para sa lahat lalo na sa paglutas ng krimen na gamit ang motorsiklo.

MOTORYCLE PREVENTION ACT RODRIGO DUTERTE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with