Death penalty ipasa na

IMBIS na mag-away-away tungkol sa paghahati-hatian n’yong pork barrel diyan sa Kongreso aba’y pagtuunan din ng pansin ang mga lumalalang problema ng bansa. Duma­raan tayo ngayon sa matinding krisis sa tubig. Uhaw na uhaw na ang ating mga kababayan, Ang hindi maubus-ubos na droga at ang umatake na namang mga rapist. Huwag nin­yong isantabi ang paggawa ng batas dahil ‘yan ang pa­ngunahing trabaho n’yo kaya kayo hinalal ng tao.

Malakas ang panawagan ngayon ng ating mga kaba­bayan na kinakailangan ng ibalik ang death penalty sa bansa. Kaliwa’t kanang karumal-dumal na krimen na ang nangyayari nitong mga nakaraang araw. Tulad ng biktima sa Lapu-Lapu City, Cebu. Matapos gahasain, pinatay ‘di pa nakontento binalatan ang mukha at ang matindi pati lamanloob ay pinag-interesan.

Hayop lang ang puwedeng gumawa nito pero ngayon malaya nang ginagawa sa mga biktima ang ganitong uri ng pagpatay. Matagal ko nang sinusulat sa aking mga kolum. Kailangan na natin itong batas na bitay upang may katakutan ang mga kriminal. Ngayon kasi alam lang nila ay makukulong kapag sila’y nahuli at kapag nagka­taon ay puwede pa silang makalaya.

Kung maalaala n’yo, tatlong taon na ang nakalipas, nu’ng nangangampanya pa lamang si Pres. Digong Duterte isa sa kanyang plataporma ay ibalik ang death penalty sa bansa. Bakit hanggang ngayon nasa kalagitnaan na siya ng kanyang termino ay nakatengga pa rin ito sa Senado? Mahina bang magsulong ng batas ang mga tuta niya sa Senado?

Ganito na lang ang gawin natin sa darating na halalan sa Mayo 13, suportahan natin ang mga kandidatong magsusulong sa death penalty. Sila na lang ang aasahan nating magsulong para hindi maging usad pagong ang pagpasa ng batas na ito. Batas na kinatatakutan ng mga kriminal at sindikato ng droga kaya dapat na itong ma­ipasa sa lalong madaling panahon.

Show comments