EDITORYAL - Daming pulubingayon
(Pilipino Star Ngayon) - December 16, 2018 - 12:00am

HABANG papalapit ang Pasko, parami nang pa­rami ang mga pulubi sa Metro Manila. Dati ay mga Badjao lamang ang makikita sa kalye at nagpapa­limos, pero ngayon, pati mga Aeta at Igorot nag­kalat na. Karamihan sa kanila, nakapuwesto malapit sa traffic light para pag-stop ng mga sasakyan, kanya-kanyang lapit at nakasahod ang mga kamay. Mayroong kinakatok ang mga bintana ng sasakyan.

Karaniwang mga Badjao ang sumasampa sa mga pampasaherong dyipni. Mag-aabot sila ng sobre sa mga pasahero. Mayroong magta­tambol gamit ang PVC pipe. Pagkatapos makulekta ang sobre­, biglang tatalon sa dyipni. Marami sa kanila ang nasasagasaan ng kasunod na sasakyan.

Dumadagsa na rin ang mga Aeta at Igorot sa mga kalsada ng Metro Manila. Nakikipagkumpetensiya sila sa mga Badjao. Bagama’t hindi sumasampa sa mga dyipni, sinasalubong naman nila ang mga sasakyan kapag papalapit na sa traffic light dahilan para malito ang mga drayber sa biglaang pag-iwas. May mga nasasagi dahil sa biglaang pagtawid o pagsulpot sa kalsada. Katulad ng mga Badjao, karaniwang may kargang bata ang mga Aeta habang namamalimos.

Babala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) huwag magbibigay ng limos sa mga pulubi. Kapag binigyan ang mga ito, para na ring itinulak silang mamalimos na lamang habambuhay at patuloy na aasa sa iba. Hindi na sila gagawa ng paraan para sa sarili.

Pero kahit nagbabala na ang DSWD, marami pa ring may malalambot na puso ang naglilimos. Lalo pa ngayong Pasko na panahon ng sharing. Kahit bawal, aabutan ng P5 o P10 ang mga namamalimos. Minsan lang naman daw sa loob ng isang taon.

Nagbabala naman ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na huhulihin nila ang mga namamalimos. Ipatutupad nila ang Presidential Decree 1563 o ang Anti-Mendicancy Law. Sabi ni NCRPO chief Director Guillermo Eleazar, delikado raw na masagasaan ang mga pulubi at ang mga ito rin ang nagdudulot ng trapik. Noong Martes, 142 pulubi ang nahuli sa Quezon City. Araw-araw na raw ang gagawing panghuhuli.

Kahit pa araw-araw manghuli ang mga pulis, hindi mapipigil ang mga pulubi sa pagpapalimos. Pagtalikod ng mga pulis, nariyan na naman ang mga pulubi. Dapat gumawa ng hakbang ang DSWD upang mapigilan ang pagdami ng mga pulubi. Tama lamang na hulihin sila pero bigyan nang pagkakakitaan kapag ibinalik sa kanilang probinsiyang pinagmulan.

DEPARTMENT OF SOCIAL WELFARE AND DEVELOPMENT NATIONAL CAPITAL REGION POLICE OFFICE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with