Ang magnanakaw, galit sa kapwa magnanakaw

ANG kasabihang ito’y pilosopo subalit may pagkatotoo. Matalinhaga pero di dapat gawing literal ang kahulugan. Ang pinupunto ay simple… ang inggit sa mga kapwa “magnanakaw.” ‘Di matanggap ng magnanakaw na na­isahan siya ng kapwa niya magnanakaw.

Kahit sa mundo ng mga magnanakaw, may kultura rin na “crab mentality” o utak-talangka. Kapag ang isa ay nakakaangat-angat, hihilahin ka pababa ng iyong kapwa.

Ang leksyon dito, ‘wag kang papahuli sa kapwa mo magnanakaw… dahil lalabas ang baho ng mga kapwa magnanakaw dahil lamang sa inggit. Tingnan natin ang Kongreso, may mga katanungang naglalaro sa aking isipan. Nawala na kaya yung kulturang buwaya? ‘Yung  hipokritong naglilinis-linisan, ano kayang bago sa kanila? Don’t get me wrong, mga bossing. Di ko sinasabing mag­nanakaw ang mga mambabatas sa kongreso.

Nagsimulang pumutok ang isyung ito dahil kay Sen. Ping Lacson – ang tinatawag na “pork insertion.” Ngayon naman, isinusulong sa Kongreso na tanggalin si Budget Sec. Benjamin Diokno dahil sa pagsingit umano ng P75 bilyon sa national budget.

Ang utak ng panawagang ito ay si House minority leader Danilo Suarez. Ang pinupunto ng mga kasapakat ni Suarez sa kongreso, bakit nagsingit si Diokno ng bil­yong pisong pondo sa national budget nang di alam ni DPWH Sec. Mark Villar.

Giit ng mga kongresistang naiinggit, hindi tama ang ginawa ni Diokno. Na para bang ang kapwa-gabinete tulad ni Diokno at ni Villar, galit-galit, hindi nag-uusap tulad nilang mga kongresista.

Ang gusto yatang palabasin ng mga maiingay, galit-galit pag pera na ang pinag-uusapan, walang lamangan, hating kapatid. Ito ang realidad sa pulitika.

Masuwerte ka kung ika’y naka-align sa administrasyon. Malas mo kung ika’y oposisyon… ambun-ambon ka lang sa budget. Doon naman sa doble-malas, wala ka talagang makukuha.

Imposibleng di n’yo alam ‘yan sa Kongreso. Come on! Kung puro ka kontra sa bawat kilos ng kasalukuyang administrasyon, ‘wag ka nang umasang priority ka sa makakakuha nang malaking parte. Huwag na huwag niyong gamitin ang salitang “integridad” sa Kongreso. Maririnig kalimitan ito sa bibig ng mga nagmamalinis na pulitiko… mapa-administrasyon man o oposisyon.

Malalim ang kahulugan ng salitang ito. Bihira ang salitang “integridad” sa larangan ng pulitika at bihira ‘yan sa kongreso. There will always be compromise.

Didikit ka sa namumunong partido para mabigyan ka ng budget sa iyong distrito. Kaya nauso ang mga balimbing.

Either you close your eyes o magtaingang-kawali ka sa inyong mga nakikita at naririnig. ‘Yung iba ay hindi makatiis dahil para silang mga nagulangan kaya pinaiiral ang pagiging talangka para makaresbak.

Show comments