Laganap

Fake news. Ito ang pahayag ni Defense Sec. Lorenzana sa mga alegasyon na nilagay ni dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte sa internet. May mga tao at grupo raw na nagpaplanong tanggalin si President Duterte sa posisyon. Kabilang si Vice President Robredo, ilang mamamahayag, ang mga korporasyong Jollibee at PLDT, pati na rin mga pari at obispo, ang isa ay patay na at ang isa ay matanda at may sakit. May obispo na tila walang may kilala dahil wala naman talaga. Kaya malinaw na walang katotohanan ang mga paratang.

Pero siyempre, ipinagtanggol ng Palasyo si Paolo Du­terte. “Freedom of expression” daw ang ginawang paglagay ni Paolo sa internet ng nasabing plano. Ganun pala. Kahit walang katotohanan, “freedom of expression” iyan? Pati ba ang mga puwedeng kasuhan ng libel ay puwedeng idepensa na “freedom  of expression”? Kung ganun, kahit ano ba ay puwedeng sabihin, kahit walang kato­tohanan? 

Mataas pa ang tiwala ng tao at popularidad ni Duterte. Kaya nagtataka ako kung paano masasabi na may mga grupo o tao na may planong patalsikin siya. Parang ito ang mga pahayag ni dating DOJ Sec. Vitaliano Aguirre na wala ring batayan, pekeng balita rin. Masyado namang insecure, kahit mataas pa nga ang tiwala ng tao kay Duterte.

Masyadong laganap talaga ang pekeng balita sa internet. Wala itong naitutulong sa bansa. Kapag nasiwalat na peke, nababawasan lang ang kredibilidad ang nagkakalat ng nasabing balita. Mabuti na lang at marami na rin ang mapagbantay sa internet. Kapag may bagong balita, inaalam na kaagad kung peke o totoo. Maingat din ang mga kilalang programang balita sa kanilang mga paha­yag. Mabuti nga at nagsalita si Lorenzana, para pabulaanan ang pekeng balita. Mabuti at may opisyal sa administrasyong ito na handang magsalita kung mali ang balita.

Show comments