Kontra korapsyon?

SA kabila ng pag-absuwelto kay dating Sen. Bong Revilla Jr. sa kasong pandarambong kaugnay ang PDAF scam ni Janet Lim Napoles, pinapapaliwanag ng Palasyo­ umano kay House Speaker Arroyo ang bilyung-bil­yong pisong isiningit sa kanyang budget at kay House Majority Leader Rolando Andaya para sa 2019. Isiniwalat ni Sen. Ping Lacson ang bilyun-bilyong pisong “pork” sa budget ng ilang mambabatas. Pero ayon kay Arroyo, may paliwanag sila sa nasabing halaga. May pupuntahang mga proyekto ang nasabing pera, hindi tulad ng “pork” na walang nakatakdang proyekto, na siyang ipinagbawal ng Konstitusyon. Ang P60 milyong ipinangako ni Arroyo sa mga mambabatas ay mapupunta umano sa mga proyekto nila. Kung gamitin sa iba ang pera, iligal na daw iyon. 

Pero sino ang magbabantay sa lahat ng proyekto ng lahat ng mambabatas kung saan mapupunta umano ang pera? Alam natin na ang mayorya ng Kongreso ay kaalyado ng administrasyon. Nabigyan ba ang mga taga-oposisyon, o sa mga kaalyado lang ng administrasyon, tulad ng ginawa ni Alvarez? Mababantayan ba ng miyembro ng oposisyon ang pupuntahan ng mga pondo? O hindi pahihintulutan iyan? Dapat nga magpaliwanag si Arroyo, at isapubliko na rin kung sinu-sino ang tatanggap ng karagdagang pondo sa budget.

Isiniwalat naman ni House Majority Leader Rolando Andaya na may isang contractor na tila paborito ng Palasyo, na nakakuha umano ng 30 kontrata na bilyun-bilyon ang halaga, bago pa makapasa ang budget sa Kongreso. At ang contractor na ito ay ni hindi man lang kompanya o korporasyon, kundi “single proprietor”. Ibig sabihin, parang isang tindahan lang sa mga mall. Kung paano nakuha ang contractor na ito ang mga kontrata, na malamang ay ipapasa lang sa mga mas malalaking kompanya o contractor at kakabig na lang ng porsyento mula sa kita, ay “milagro” na magaganap lang sa pamamagitan ng malakas na koneksyon sa Palasyo. May mga dokumento umano si Andaya para patunayan ang kanyang mga alegasyon laban sa “kompanya” na ito mula Bulacan.

Kaya mukhang magkakaroon naman ng alitan ang Kongreso at ang Palasyo, dahil sa mga akusasyong may kinalaman sa pera. Kapag pera na talaga ang usapan, wala nang kaalyado-alyado. Sa kabila ng matinding kampanya umano ng administrasyon kontra korapsyon, ganito naman ang maririnig ng mamamayan.   

Show comments