Huwag si Albayalde ang batikusin
AKSYON NGAYON - Al G. Pedroche (Pilipino Star Ngayon) - November 14, 2018 - 12:00am

SAKALING hindi maaresto at mapiit si dating unang ginang, Imelda Marcos, hindi si Philippine National Police Chief, Director-General  Oscar Albayalde ang dapat sisihin kundi ang Sandiganbayan na siyang dapat magpalabas ng arrest warrant.

Katakut-takot na tuligsa ang ibinabato kay Albayalde ng mga netizens ng social media dahil ang reaksyon ng PNP matapos mahatulan ng guilty si Imelda ay hindi kasing-init ng reaksyon nito sa kaso ni Senador Antonio Trillanes. Maaalala na hindi pa man nagpapalabas ng warrant ang Korte, pinalibutan na ng mga operatiba ng pulisya ang Senado para sa sandaling lumabas ang warrant, dadamputin na agad si Trillanes.

Siniguro naman ng hepe ng PNP na aarestuhin ka­agad ang dating first lady kapag may warrant na. Kaso lang, hindi “over-acting” ang PNP dahil nga naman otsen­ta’y nueve na si Mrs. Marcos at isa pang mahinang babae na hindi na magtatangkang tumakas. Katunayan, aniya, handang-handa na ang Custodial Center ng PNP para magsilbing piitan ni Mrs. Marcos kasama pa ang ibang prominent figures na nagdurusa doon tulad ni Sen. Leila de Lima at dating Senador Bong Revilla.

Magugunita na kamakailan, hinatulang nagkasala ng Sandiganbayan si Mrs. Marcos sa pitong kaso ng katiwalian na ang katumbas ay anim na taong pagkabilanggo sa bawat kaso. Kung susumahin, parang reclusion perpetua na rin ito dahil ito’y 42-taon sa kulungan na tiyak na hindi na matatapos ni Mrs. Marcos dahil sa kanyang edad.

Sa ngayon, wala pang finality ang hatol at aapela pa ang kampo ng dating unang ginang para mabago ang desisyon. Ibig sabihin, puwede pa ring ituloy ng dating­ unang­ ginang ang planong pagkandidato bilang Gobernador ng Ilocos Norte maliban na lang kung bago mag-eleksyon, maging final and executory ang hatol sa kanya.  Sa halip na magkaroon tayo ng adverse reaction, maghintay na lang tayo ng mga development kaugnay nito. Sabi nga, “let’s cross the bridge when we get there.”

IMELDA MARCOS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with