Tiklo ang bugaw
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - November 4, 2018 - 12:00am

ANG Republic Act 9208 o “Qualified Trafficking of Persons” ay isang batas na nagpaparusa sa recruitment, pagbiyahe, pagtago o pagtanggap ng bata para sa prostitusyon, pornograpiya, sexual exploitation, sapilitang pagtatrabaho, pag-alila, at pambayad-utang sa kahit ano pang paraan kahit pa kunwari ay magtatrabaho rito sa Pilipinas  o sa ibang bansa sa pamamagitan ng training o kaya ay apprenticeship.

 

Isang kilalang “human trafficker” si Jason na kumukuha ng mga batang babae sa pamamagitan ng internet. Si Bea at ang kanyang nakababatang kapatid na si Carla, si Annalyn at si Leklek ay ilan sa mga menor de edad na ginagamit ni Jason sa prostitusyon.

Disisiyete anyos lang si Bea noong dumalaw siya sa kapatid ni Carla na nakatira kay Ka Indang, nanay ng kanyang matalik na kaibigan na si Leklek. Dito unang nakita ni Jason si Bea at inimbitahan na maghapunan kasama ang iba pa nitong kaibigang Koreano.

Bumalik si Bea sa bahay ni Ka Indang bandang alas-otso ng gabi para makipagtagpo kay Jason. Dito na ibinenta ni Jason si Bea kasama pa ang ibang dalagitang sina Annalyn, Carla at Leklek sa mga customer niyang mga Koreano. Pinaniwala ni Jason ang mga dalagita na gagawa lang sila ng “gimik” kapalit ang ?5,000.00, basta sabihin daw na disisais lang ang edad nila dahil iyon ang gusto ng mga Koreano.

Nang dumating sa restawran ang grupo ay nakipag-usap sa isa sa mga Koreano si Jason pagkatapos ay ipinakilala ni Jason ang mga dalagita. Ilang sandali pa ay may inabot na pera ang Koreano. Habang binibilang ni Jason ang pera ay saka naman dumating ang NBI at agad dinakip si Jason. Isang social worker naman ang sumama sa mga dalagita sa NBI para kunin ang kanilang salaysay.

Ginawa ang raid matapos magsagawa ng paunang imbestigasyon ang International Justice Mission (IJM), isang non-profit organization sa Amerika na nagbibigay ng libreng serbisyong legal. Nakalap ng mga operatiba ang impormasyon na nagbebenta ng mga babaeng menor de edad si Jason para sa prostitusyon. Isang asset ang nagpakilala kay Jason kina Patrick at Eric, mga NBI na nagpanggap na isang travel agent na may mga kaibigang Koreano na nag-aaral ng Ingles dito sa Maynila. Nagkasundo silang muling magkikita at humingi ng tulong sina Patrick at Eric sa mga pulis para sa pagsasagawa ng entrapment operation na nagresulta sa pagdakip kay Jason dahil sa paglabag nito sa RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003).  

Sa paglilitis ng kaso, tumestigo ang apat na dalagita tungkol sa iba’t ibang kahalayan na ipinagawa sa kanila at sa prostitusyong kinasadlakan nila dahil sa kagagawan ni Jason. Todo tanggi naman si Jason at pinapalabas na isa siyang self-employed na natiklo lang dahil sa pagsulsol nina Erick at Patrick.

Napatunayan ng RTC na nilabag ni Jason ang Section 6 ng RA 9208 at hinatulan siya ng habangbuhay na pagkabilanggo. Pinagbabayad din siya ng multa na P2 milyon. Kinatigan ng Court of Appeals ang hatol ng RTC kaya umapela si Jason sa Supreme Court. Hindi naman daw talaga napatunayan na nagkasala siya dahil binuyo lang siya ng mga NBI agent para gawin ang krimen.

Ngunit pareho pa rin ang naging hatol ng SC. Ayon sa SC, malinaw na dinetalye sa impormasyon ng kaso ang tungkol sa pagkuha pati pagbibiyahe ng babaeng menor de edad para sa prostitusyon o sexual exploitation.  Ginagamit ng akusado ang pagiging inosente ng mga dalagita kapalit ng pangakong pera.

Pinarusahan si Jason alinsunod sa Section 6 ng RA 9208 dahil mahigit sa tatlo ang kanyang biktima o “large scale” ang kanyang ginawa at lahat sila ay wala pa sa disi-otso anyos ang edad. Naipakita ng prosekusyon ang lahat ng elemento ng krimen dahil tumestigo ang mga biktima tungkol sa kanilang edad at sa ginawang panghihimok sa kanila ni Jason para ibenta ang katawan sa tulong na rin ni Ka-Indang. Mismong ang NBI agent at mga pulis ang naging saksi sa ginawa ng bugaw nang isagawa nila ang entrapment operation.  Ang hindi naman pagkakatugma ng mga testimonya ng mga saksi ay maliit na bagay lang lalo at hindi naman nito nabura ang katotohanang nilabag ni Jason ang RA 9208 dahil sa ginawa niyang pagbenta sa mga biktima.

Hindi hinimok ng mga alagad ng batas na gawin ni Jason ang krimen. Hinuli lang siya sa aktong ginagawa niya ang pambubuyo sa mga batang babae. Gumamit lang ng paraan ang mga pulis para mahuli siya. Sa ating lipunan ay tinatanggap naman ang entrapment bilang paraan ng paghuli sa isang kriminal. Magkaiba ang “entrapment” at “instigation” dahil ang huli ay talagang masasabing paghimok sa tao na gawin ang krimen para lang siya tuluyang maparusahan. Sa kabilang banda, ang entrapment ay paraan para mahuli ang kriminal sa aktong ginagawa niya ang krimen. Ibig sabihin, sa utak ng akusado ay talagang planado na niya ang krimen at nahuli lang siya sa aktong ginagawa ito. Sa instigation, isang patibong ang nakahain sa isang inosente pero sa entrapment ay isang patibong lang ang nakaumang para mahuli sa akto ang akusado habang ginagawa niya ang krimen. Binago lang ng SC ng kaunti ang desisyon ng CA dahil dinagdagan pa ang binigay sa mga biktima ng ?500,000.00 para sa moral damages at ?100,000.00 bawat isa para sa exemplary damages (People vs. Hirang, G.R. 223528, January 11, 2017).  

SEX TRAFFICKING
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with