Umpisa na ang karera ng mga kandidato

PILIIN nating mabuti ang mga iboboto sa darating na Mayo 13, 2019 elections. Santambak na kandidato na naman ang tumatakbo sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno. Kunsabagay mas marami, mas masaya ika nga! Marami tayong pagpipilian. Gaya ng mga nakaraang halalan ‘yung mga nagpasa ng COC sa Comelec ay mukha pa rin nila ang makikita natin ngayon. Halos 80% ay nagbalak pa rin kumandidato. Ang hindi na nabago ay ang naglipanang nuisance candidates. Ang hindi ko maintindihan sa mga damuhong ito kung ano ang kanilang pakay o panggulo lamang sila sa election.

Nakita na natin ang mga kandidato sa national at local election. Meron mga bigay bawi, yun mga pulitiko na todo-tanggi noong mga nakaraang araw na hindi tatakbo ayan nag-file na sila ng COC sa Comelec, hindi pa nakaluklok sa puwesto sinungaling na. At mas kapansin-pansin ang mga trapong kandidato. Nakakaumay na ang mga mukha, matagal nang nagsisilbi kuno sa bayan pero halos wala man lang naipasang batas. Ginawa lang dekorasyon ang sarili. Nagpasikat lang at nangurakot sa pera ng bayan.

Ngayon ay nakabalandra na ang mga mukha ng mga kandidato umpisahan na natin silang kilatisin lalo na yung mga bagong sumali sa karera. Huwag ng ibalik sa puwesto ang mga pulitikong pakitang tao. Saka lang sila nakakakilala tuwing sasapit ang halalan. Huwag tayong pasisilaw sa kanilang mga pera. Alam naman nating lahat babaha ng pera sa tuwing sumasapit ang halalan. Maiintindihan ko ang mga taong nagbebenta ng kanilang mga boto. Pero sana lang ay maliwanagan ang ating pag-iisip at bumoto tayo ng naayon sa ating konsensiya. Piliin natin ang mga kandidatong may puso at utak dahil sa kanila nakasalalay ang kinabukasan ng ating bayan.

Show comments