Bagong batas pabor sa rice cartel, kawatan

NAGPASA ang Kongreso na batas ng palalaganapin sana ang kalakalan ng bigas -- pero magka-kartel nito sa kamay ng mga kawatan sa gobyerno. Kaya asa­hang mananatili ang mataas na presyo ng bigas. Mawawalan ng saysay ang pagsisikap ni President Rody Duterte na pamurahin ang butil.

Sa Rice Tariffication Act ipagtatanggol kuno ang mga magsasaka at mamimili. Papayagan ang mga bultong gumagamit ng bigas, tulad ng mga restoran, hotel, at gawaan ng poultry feeds, na umangkat nang sarili. Papatawan sila ng 35% import duty, para makakalap ng P21.6 bilyon kada taon. Pangtustos ‘yon sa pagpapataas ng ani ng mga magsasaka, para magmura ang bigas.

Pero may mali sa batas. Pahihintulutan ang National Food Authority (NFA) na lisensiyahan pa rin ang importers at limitahan ang laki ng angkat. Dagdag ito sa trabaho ng NFA na mag-imbak ng sapat na pambansang buffer stocks.

Mananatili ang kasalukuyang bulok na kalakaran. NFA pa rin ang magtatakda kung sino ang mag-aangkat ng gaano karami. Sa pagtatakda na ‘yon nagmumula ang katiwalian. Nangingikil ang NFA para sa lisensiya at import quota. Dahil sa deka-dekadang dumi, ipinabubuwag ng National Economic Development Authority ang NFA.

Sunud-sunod na pamumunuan ng NFA ang nakipagkutsabahan sa kartel para kontrolin ang import at supply ng bigas. Tatlong magkakaribal ang naglalaban sa pa­mu­muno ng kartel. Sinisikap nilang mahawakan ang Dept. of Agriculture, ang NFA governing council, at ang management. Nagtutunggali ang tatlong sangay ng Ehekutibo. Dati nang nasabit ang NFA sa malakihang smuggling at overpricing ng angkat. Nu’ng Hulyo sa kanyang State of the Nation binalaan ni Duterte na tumigil na ang kartel at hoarders ng bigas, kundi’y tutugisin sila.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments