EDITORYAL - Sinasalaula na ang PNP

SOBRA na ang ginagawang pagdungis ng mga baguhang pulis sa Philippine National Police (PNP). Wala na silang pagpapahalaga sa kinaaanibang organisasyon. Hindi na nila pinahahalagahan ang sinumpaang pangako. Balewala na sa mga PO1, PO2 at PO3 kung magkabagsak-bagsak man ang PNP.

Ang mga pulis na ito ang pinuproblema ni PNP chief Director General Oscar Albayalde. Lahat nang paraan ay ginagawa niya para mailapit sa taumbayan ang mga pulis pero inilalayo naman ng mga ‘‘sungayang’’ pulis. Nasasayang ang mga pagsisikap ni Albayalde na ibangon ang imahe ng PNP dahil sa ginagawa ng mga bagitong pulis.

Noong nakaraang linggo, apat na pulis mula sa narcotics unit ng Muntinlupa police ang nagdagdag na naman ng dungis sa PNP. Nahuli ang apat makaraang kotongan ang mag-ina na hinuli nila dahil sa droga. Unang hiningi ng mga pulis sa mag-ina ay P400,000 pero binabaan at ginawang P80,000. Mismong si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang humuli sa apat sa mismong police station. Giniba nina Eleazar ang pinto ng Muntinlupa station makaraang magtago roon ang apat.

Nakilala ang mga pulis na sina PO1 Jonjon Averson, PO2 Farvy dela Cruz, PO3 Romeo Par at SPO1 Joe Jimenez. Nakatakas ang apat pa nilang kasamahan. Nagpupuyos sa galit si Eleazar nang iharap ang apat na pulis. Sinibak din sa puwesto ang kanilang hepe. Ayon kay Eleazar, matagal na umanong ginagawa ng mga pulis ang pang-eextort sa drug suspects. Modus na umano ito. Hindi pa natatagalan nang tatlong Manila policemen ang nahuli rin dahil sa pang-e-extort sa drug suspects na isinagawa pa mismo sa MPD-Station 5.

Malaki ang problema ni Albayalde sa mga bagitong pulis. Paano nakapasok sa serbisyo ang mga ito? Bakit madaling nailagay sa puwesto? Maluwag sa recruitment? May padrinong pulis din? Ang PNP na rin ang dapat sisihin kung bakit PO1 pa lamang ang pulis ay may “sungay” na. Nararapat na idaan sa “butas ng karayom” ang pagkuha sa magpupulis, kung hindi, malulusaw ang PNP dahil sa dami ng dungis.

Show comments