Grupo ng mga kontrapelo, umariba na naman!

NAKAHANAP na naman ng bagong pagpipistahan ang oposisyon at mga kauri nila. Napukaw ang kanilang aten­syon at nabuhayan ng dugo dahil may mababato ulit sa gobyerno.

Paulit-ulit ko nang sinabi, kayong mga tsong at tsang sa Liberal, kahit wala sa lugar basta makakontra lang. Sige, pagbibigyan ko kayo dahil gusto niyong magpa­sikat ulit.

Ano bang isyu? Naging mainit ang kaso ni Australian Missionary na si Patricia Fox. Ang madre, paaalisin sa bansa dahil maliban sa missionary work, napabalitang sumasama rin sa protesta. 

Ang banat ngayon ng mga senador, harassment daw ang ginawa kay Lola. Pati mga kolumnista sa diyaryo, ang pinalalabas pati matandang madre pinatulan ng gob­yerno. Nakakaloko. Sa unang tingin, maiisip n’yo na may­roong punto… kahit wala naman. Ang siste, gusto lang talagang udyukan ang taumbayan para magkagulo.

When you’re visiting a foreign country, you have to abide by their rules. Mga boss, malinaw na malinaw ‘to. Simbahan at kawanggawa lang dapat ang trabaho mo habang nandito. Ibang usapan naman kapag nakigulo ka na sa pulitika. 

Suportado ng ilang senador na i-deport ang madre. Siyempre, iba ang pananaw ni Sen. Bam Aquino.

Kyaw-kyaw niya, mag-iimbestiga raw siya sa deportation ng mga foreign nationals. Senator Bam Aquino, alam mo ba ang ginagawa mo?

Pribilehiyo ang pagkakaroon ng isang visa at hindi karapatan. Kaakibat nito ang pagsunod sa kundisyon, pa­mantayan at patakaran ng bansa. Hindi puwede na ang isang dayuhan, na bisita lang, mangialam sa estado ng pulitika’t pangangasiwa. Hindi na ito saklaw ng pribilehiyo.

Ano bang magulo sa isyung ‘to? O sadya lang pinagugulo?

Kung ika’y bisita sa ibang bahay, doon ka lang sa sala. Hindi ka puwedeng pagala-gala nang walang pahintulot. Sa kaso ni Sister Patricia, hindi siya exempted kahit missionary ka pa. Ang pokus mo dapat ay ebanghelyo. Plain and simple.

Kaya kayong mga umaatungal na parang batang inagawan ng candy, magsitigil nga kayo!

Show comments