Lumabas na ang Bar

NATAPOS na rin ang kalbaryo ng mga nag-aabang ng resulta sa 2017 Bar Exams. 25.5% ng pangkalahatang nagsulit ang pumasa. Pinangatawanan muli ang repu­tasyon ng Bar Examinations bilang pinakamatinding pagsubok sa lahat nang licensure exams sa Pilipinas.

Last year ay 59.06% ang pumasa. Isa na ito sa pina­kamataas na resultang nakamit sa 16 na eksamen nitong bagong milenyo. Bago ito, ang naging taunang ave­rage ay 20-25% lang. Parang natauhan ang sektor ng legal education nang bumagsak muli ang resulta pabalik sa dating average.   

Sa top 10, patuloy ang trend ng nakaraang taon na provincial law schools ang namayagpag. Top 4 ay pawang Visayas at Mindanao at 5 sa 10 ang nasungkit ng mga non-Metro Manila schools. Ang San Beda at UST ang nagdala ng bandera ng Metro Manila sa naiwang top 10 na posisyon.

Hindi naman nabokya ang tradisyonal na topnotcher schools tulad ng Ateneo at UP. Sa Top 20 ay mayroon din silang tig-isang nakalusot. Kapag sinuri naman ang iskor ng mismong iskuwelahan, mapapangatawanan pa rin ng Ateneo at UP ang kanilang puwesto kabilang sa top schools sa bansa, kasama pa ang ibang Metro Manila powerhouse tulad ng San Beda, UST at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

Ang total ng mga pumasa ay 1,724. Last year, ang bilang ay 3,747 na inakala ng ilan na hudyat ng tuluyan nang pagbaha ng abogado sa lipunan. Libu-libo raw ang bakanteng puwesto para sa abogado sa gobyerno. Inakalang ang pagtaas ng porsyento ng pumapasa sa Bar ay ang magiging sagot sa matinding panganga­ila­ngan.

Pero hindi ito mangyayari. At hindi rin naman ma­ganda kung ito’y ipilit kung hindi hinog. Ang hinahanap ng serbisyo publiko ay yaong mga isasalang sa kasong kriminal. Mismong laya ng kliyente ang nakataya. Hindi naman maganda na ito ang pagpraktisan ng mga abogadong sapilitan ang hinog.

Ang resulta ng Bar ay paalala sa akademiya na lalong higpitan ang pagsuri sa sarili upang mabawasan ang napapag-iwanang bar taker kada taon. Nakakahinayang ang kanilang hirap at pangarap na kanilang inasa sa pinasukang iskwelahan.

Show comments