Kalaboso ang pulis

(Huling bahagi)

TINAWAG ni Captain Labrador sa loob ng opisina niya si Manalili at ipinag-utos sa isang pulis na dalhin si Bernard sa ospital para magamot. Doon na namatay si Bernard habang binabantayan ng station manager na si Manny Manambit.

Hindi alam ni Manalili ay nairekord pala ni Jethro ang sigawan nila ni Bernard at ito ang ginamit sa korte. Kinasuhan ng homicide si Manalili pero ikinakatwiran ng pulis na si Bernard ang humampas sa kanya ng dalawang beses na kanyang nailagan. Sa sobrang kalasingan daw ni Bernard ay dalawang beses ito bumagsak sa bangketa at tumama ang ulo sa semento.

Napatunayan ng korte at pati ng Court of Appeals na guilty ng homicide si Manalili. Hinatulan siya na makulong mula 10 hanggang 14 na taon, walong buwan at isang araw. Mas pinaboran ng korte ang detalyadong salaysay ni Jethro kaysa sa mga pagtanggi ni Manalili. Kinumpirma kasi ng post mortem report at ng recording ni Jethro ang paraan kung paano tinamo ni Bernard ang mga sugat sa ulo.

Kinuwestiyon pa rin ni Manalili hanggang sa Supreme Court ang kaso. Siyempre raw ay galit sa kanya si Jethro kaya isa itong “biased witness”. Pangalawa ay hindi daw dapat tinanggap sa korte ang mga recording dahil labag ito sa Anti-Wire Tapping Act. 

Kinatigan pa rin ng Supreme Court ang hatol ng RTC at CA. Guilty daw sa homicide si Manalili. Hindi raw puwedeng sabihin na hindi maaasahan ang testimonya ng isang testigo porke lang may interes siya sa kaso. May pagkakataon ang korte na obserbahan ang mukha, kilos, asta at maging tono ng boses ng isang testigo para malaman na dapat paniwalaan ang kanyang testimonya. Hindi naman daw napatunayan ni Manalili na nagkamali ang korte sa pagkampi kay Jethro lalo at tumutugma sa recording ang lahat ng isinalaysay nito. Napatunayan naman sa post mortem report na shock at cerebral concussion o pagdurugo ng utak ang sanhi ng pagkamatay ni Bernard at sakto rin ito sa sinalaysay ni Jethro.

Ang ginawang voice recording ni Jethro na pinatunayan at pinarinig niya sa paglilitis ang nagtuturo na hindi talaga totoo ang alibi ni Manalili. Siya talaga ang sumapak kay Bernard na naging sanhi ng pagkamatay ng biktima. Isa pa, ang ipinagbabawal lang sa Anti Wire Tapping Act ay ang pakikinig sa pribadong usapan at hindi katulad nito na nangyari sa loob ng istasyon ng pulis na isang pampublikong lugar. Hindi ito maituturing na pribadong usapan.

Pero dahil hindi naman talaga intensiyon ni Manalili na gawin ang krimen at dahil nabuyo lang siya ni Bernard, dapat na bawasan ang taon ng pagkakulong mula walong taon hanggang labing apat na taon at walong buwan. Pinagbayad din siya ng danyos (death indemnity) na P50,000. (Navaroo vs. Court of Appeals and People, G.R. 121087, August 26, 1999).

Show comments