Sinungaling ang pulis

(Huling bahagi)

NGUNIT nahatulan pa rin si P/Cpl Serrano ng MTC na nagkasala sa tatlong krimeng grave coercion kaya sinentensiyahan siyang makulong ng anim na buwan sa bawat isang krimen at pinagbayad ng multa na ?500 pati danyos na ?5,000 at pinasagot ang gastos ng kaso.

Sinang-ayunan ng RTC at pati ng CA ang desisyon. Pero kinuwestiyon pa rin ito ni Serrano hanggang sa SC. Pinauwi lang daw niya ang dalawa nang makita sa Sports complex. Mali raw ang naging konklusyon ng korte sa mga nangyari. Katunayan ay magkakaiba nga ang laman ng affidavit nina Pining at Dario kumpara sa kanilang naging testimonya. Sila raw ang sinungaling at kung nagsinungaling sila sa isang bagay ay siguradong nagsisinungaling sila sa lahat.

Pero ayon sa SC ay nagkasala talaga si Serrano. Kapag ang hatol ay base sa kredibilidad ng testigo, ang naging pagsusuri at desisyon ng mababang hukuman ang higit na pagbabatayan at kinikilala, dahil nagkaroon ito ng pagkakataon na pag-aralan at obserbahan ang kilos ng mga testigo habang nakasalang sa witness stand.

Ang pagkakaiba lang ng testimonya ng dalawa ay tungkol sa kung gaano na sila katagal na magkarelasyon at kung gaano sila katagal naglagi sa isang lugar. Napakababaw nito at hindi importante sa kaso. Ang maha­laga ay pinatunayan nila na pinuwersa sila ng akusado na magtalik. Hindi nakabawas sa kredibilidad ng kanilang testimonya ang maliit nilang mga pagkakamali sa mga detalye. Imbes ay lalo pa nilang pinagtibay na totoo ang testimonya nila at hindi sila inensayo sa kanilang mga salaysay. Kaya hindi magagamit ng akusado ang pamantayang kapag nagsinungaling sa isang parte ng testi­monya ay itinuturing na ang testigo ay nagsinungaling sa buong testimonya sa kaso.

Tungkol naman sa bilang ng araw na lumipas bago sila nagsampa ng reklamo, hindi rin ito taliwas sa pang­karaniwang ginagawa ng tao. Siyempre ay tinakot sila ni Serrano at dahil hindi pareho nakapag-aral ay pinangu­nahan siyempre sila ng takot at kaba (Sarabia vs. People, G.R. 14204, July 20, 2011).

Show comments