Kuwait, mangako muna ng makataong pagtrato

NU’NG una, paangil ang reaksiyon ng Kuwaiti Minister of Foreign Affairs sa utos ni President Rodrigo Duterte na iuwi lahat ang 130,000 na overseas Filipino wor-kers doon. Kesyo raw makakasira ito sa magandang relasyon ng dalawang bansa. Pero nang ieroplano ng Pilipinas ang unang isang libong OFWs na inapi ng employers doon, nahimasmasan ang ministro. Naki-usap na siya kay Duterte na panatilihin ang mga Pilipino doon. Tiyak nabatid niya na itutuloy ni Duterte ang pagsundo sa lahat kung awayin niya siya. At masasaktan ang ekonomiya nila. Mawawalan ng engineers at technicians ang mga pabrika, doktor at nars ang mga ospital, at katulong ang mga bahayan. Hindi naman nila mapupunuan ang kawalan dahil hindi sila sanay magtrabaho.

Siya namang utos ni Duterte kay Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano na papangakuin ang ministro sa makataong pagtrato sa mga OFWs. Ika nga, nanalo ang gambit ni Duterte.

Notorious naman kasi ang Kuwaitis sa kalupitan sa pagtrato sa dayuhang empleyado. Dalawang dosenang kaso ang naitala kamakailan na mga maids na ginahasa at pinagmalupitan ng mga amo. Ilan sa kanila ay nasi-raan ng bait dahil sa gutom at mala-hayop na sitwasyon. Pinaka-huling kaso ang natagpuang bangkay ng Filipina maid sa freezer ng amo na Lebanese sa Kuwait; dalawang taon na siyang nawawala. Hindi man lang tumulong ang Kuwaiti authorities sa paghanap sa kanya. Tungkulin ng mga gobyerno na pangalagaan ang karapatan ng mga dayuhan na parang mamamayan ng kanilang bansa.

Siyempre nag-iisip na rin ngayon ang Kuwait na palitan ang OFWs ng Indonesians, Pakistanis, Bangladeshi, atbp. Kabado sila mapilay ang ekonomiya sa labis na pag-asa sa OFWs. Sana maihanda naman ni Duterte ang 130,000 trabaho para sa kanila.

Show comments