Chief Supt. MaO Aplasca, maluwag sa mga ilegalista

NAGLULUKSA ngayon ang mga taga-Eastern Visayas at Mindanao Region dulot ng mga Bagyong Urduja at Vinta. Sa pagtaya ng National Disaster Risk Reduction and Ma­nagement Council (NDRRMC) mahigit 50 katao namatay nang matabunan ng lupa sa Biliran, Leyte.

Hindi nagkulang sa pagpapaalala ang mga tauhan ni Pres. Rodrigo Duterte bago pa man humagupit ang Bag­yong Urduja. Sa katunayan maaga pang inalerto ng mga local government units ang kanilang mga tauhan upang mabigyan ng babala ang mga residente sa naturang lalawigan upang maiwasan ang sakuna, Subalit mukhang hindi ito pinansin ng iba dahil mahina lamang umano ang ulan. Nagulantang na lamang ang mga taga-Leyte ng biglang magkaroon ng flash flood at naguho ang bundok na tuma­bon sa mga kabahayan.

Sa Mindanao Region walang puknat na ulan dala ni Bagyong Vinta nagkaroon din ng flash flood na nagpalubog at tumangay sa mga kabahayan. Mahigit 100 katao ang namatay.

Sa ngayon, nagkakamot sa noo si President Duterte sa matinding kalamidad na dulot ng Bagyong Urduja at Vinta. Kasi nga halos kinakapos na ng supply ng pagkain at gamot ang mga residenteng apektado. Malaki rin ang damages sa infrastuctures at mga pananim sa mga lalawigang binagyo. Ang masakit pa nito nagkaroon pa nang malaking sunog sa MAA, Davao kung saan 37 ang namatay.

Samantala, sa Calabarzon naman halos walang mapagsidlan ng kaligayahan ang mga pulis dahil walang patid ang grasyang ipinararating ng mga pergalan financiers doon. Kung anong bangis noon kasi ni Region 4-A director Chief Supt. MaO Aplasca, masyadong maluwag ngayon sa mga ilegalista. Sa mga sumbong sa akin, maaring may basbas ang paglatag ng color games  ni Tessie sa Tanay Rizal,  Concepcion, Batangas City, Balayan, Sabang , Lipa City  Ibaan, Batangas at Los Banos, Laguna. Siyempre hindi rin nagpapahuli si Aling Mely dahil may latag din siya sa Banlic, Cabuyao, Laguna, Sabang, Lipa City at Mataas na Kahoy sa Batangas na palaging hitik na hitik sa mga parukyano.

Maging sina Boy Life at Robinson ay may mga puwesto rin sa Lipa City kung kaya hindi kataka-taka na pagkatapos ng kapaskuhan ay maglilipana na naman ang kriminalidad sa naturang lalawigan. Teka nga pala, dapat habulin ni Aplasca ang nagpapakilalang pulis na si Paquito Chan na kumukubra ng intelihensya sa pergalan financiers para sa opisina niya. Maging si alyas Florence ay nangungulekta rin para sa CIDG, ano ba yan! Kung ganitong may unawaan ang pergalan financiers at kolektor ng PNP, matutupad ba ang pangarap ni PNP chief Ronald ‘‘Bato’’ dela Rosa na burahin ang mga ilegalista sa bansa bago siya magretiro? Abangan!

Show comments