Ang paliwanag ni Noynoy sa Dengvaxia

KUNG pakikinggan ang paliwanag ni dating Presidente Noynoy Aquino sa kontrobersyal na issue sa Dengvaxia, nakikita kong may katuwiran siya

Humarap ang dating Pangulo sa hearing ng Senate blue ribbon committee kamakalawa. Idinepensa niya ang naging desisyon sa pagbili ng gobyerno ng Dengvaxia vaccine kaugnay ng anti-dengue immunization program ng pamahalaan noong kapanahunan niya. Lumilitaw kasi sa imbestigasyon ng Senado na minadali ang approval ng program at may pahiwatig pang “may nakinabang” sa programang ito.

Noong mga panahong yaon, sa panahon pa ni dating Health Secretary Enrique Ona, inireport ng naturang kalihim ng kalusugan na naglulubha ang sakit na dengue at parami-nang—parami ang mga tinatamaan ng sakit. Hindi na raw ito seasonal kundi kahit anong panahon ay puwedeng tamaan ng dengue ang kahit sino. 

Kaya ang sabi ni Aquino, ang pagbili ng anti-dengue vaccine ay para sa kapakanan ng mga mamamayan matapos ipaalam sa kanya ni Ona ang nakakaalarmang impormasyon.

Kaya nga naman kung may lumitaw na findings kalaunan na may masamang epekto ang bakuna sa mga hindi pa tinatamaan ng dengue, paano nga namang masisisi ang mga nagpatupad ng programa?

Inihalimbawa pa ni Aquino na noong araw, ang aspirin ay palaging inihahatol ng mga doctor sa maraming sakit. Pero kalaunan ay natuklasang may masamang epekto ito sa sikmura.

Para kang nasa “damn if you do, damn if you don’t” situation sa usaping ito. Kung ang programa ay ibinasura, baka sisihin ang pamahaaan dahil may epektibong pampigil naman pala sa dengue, bakit hindi ito ginamit? At dahil ipinatupad ito, ngayong may lumabas na report na masama ito sa mga hindi pa nadedengue, gobyerno pa rin ang sinisisi. Mahirap na situwasyon nga naman ito.

Show comments