Tara ni Taguba

UMAABOT sa P92 milyon ang naipamudmod ni Mark Taguba sa Bureau of Customs officials para mapabilis ang paglabas ng kanyang mga kargamento sa Manila South Harbor at Manila International Container Port. Ito ang sinabi ni Taguba nang gilingin nina Chairman Richard Gordon at Sen. Ping Lacson sa pagdinig ng shabu shipment ng Blue Ribbon Committee kahapon. Mukhang may linaw na ang pagsisiwalat ni Taguba dahil ang text messages at telephone conversations ay naipakita sa power point presentation. Kaya sa pagtatwa ni Gordon na-estafa si Taguba ng kanyang pinamumudmuran ng tara. Lumalabas na ang ilan sa mga binigyan ni Taguba ay mga dating opisyales ng BOC na malapit sa commissioners at ang ilan naman ay hindi niya kilala. Kaya ang payo ni Gordon kay Taguba, habulin niya ito nang mabawi ang milyones na ipinamudmod. Maging si Lacson ay nagpahayag na ang tara system sa BOC ay umaabot sa opisina ni dating BOC Commissioner Nicanor Faeldon. Kaya ang payo niya kay Isidro Lapeña, maging listo sa pagpili ng mga tauhan. Nangako si Lapeña na wawasakin ang korapsyon sa BOC para makalikom nang malaking buwis.

* * *

Samantala, puspusan ang clearing operations ng Manila Department of Social Welfare Development sa mga lansangan. Target nila ang mga palaboy na nagkalat sa mga sulok ng Maynila. Sa susunod na buwan, magdadagsaan na ang dignitaries na kalahok sa 11th ASEAN Defense Ministers meeting. Kahiya-hiya naman kung makikita ng mga matataas na lider ang mga naghihikahos na mga kababayan. Kaya ngayon pa lang, dinadampot na sila ng mga taga-MDSWD upang itago este ilagay sa mga silungan. Kung naipapasok sa kabang-bayan ang ipinamumudmod ni Taguba sa mga buwaya sa BOC, mababawasan ang mga palaboy.

Sa Bacoor, Cavite, umaksiyon si Rep. Strike Revilla matapos ang pananalakay ng riding-in-tandem. Bagama’t sa Dasmariñas pa lamang gumagala ang riding-in-tandem, pinaghahandaan na ito ng mga taga-Bacoor. Agad nagpatupad ng lingguhang “defense program” si Revilla para sanayin ang barangay officials sa self-defense and tactics bilang dagdag puwersa ng mga kapulisan laban sa mga kriminal. Kung sabagay, hindi kataka-taka ang mabilis na pagkilos ni Revilla dahil noong siya pa ang mayor ng Bacoor, marami na siyang naipakita kaya magpahanggang ngayon, ang kaligtasan pa rin ng kanyang mga kababayan ang nasa isipan.

Show comments