Stroke: Paano mo malalaman

NANG mabuwal si Jane habang nagsa-shopping, sinabi niya sa mga kasama na natapilok lang siya pero okay na. Huwag na raw siya dalhin sa clinic, hindi naman siya nahihilo, kaya nagpatuloy sila sa pamimili. Nu’ng gabing ‘yon tinawagan  sila ng asawa ni Jane para sabihing pumanaw siya sa ospital. Na-stroke na pala si Jane sa mall, pero walang nakapansin. Kung alam nila ang symptoms, maaring nailigtas nila siya. May ibang biktima na nagsu-survive nga pero nagugulay at nababalda naman habambuhay.

Anang isang neurologist kayang baliktarin ang pangmatagalang epekto ng stroke kung malulunasan ito sa loob ng tatlong oras. Mahalaga na maidala agad sa doktor ang biktima.

Kaya dapat matutunan ito ng lahat. Kung may biglang nanghihina, nahihilo, nanlalambot, nabubuwal:

(1) Sabihan ang biktima na ngumiti.

(2) Pabigkasin siya ng simpleng kataga, tulad ng “adobo.”

(3) Ipataas sa kanya ang dalawang braso.

Kapag hirap niyang gawin ang alin man sa tatlo, tumawag na sa emergency number at ikuwento ang nangyari at sitwasyon. Kung maagapan ang stroke, mabubuhay ang pasyente at maiiwasan ang pagka-balda ng katawan at pagka-gulay ng utak. Pahabol:

(4) Ipalabas sa pasyente ang dila. Kung lumalaylay ito sa kaliwa o kanan, malamang nagkaka-stroke na siya.

Kaya tandaan: pangitiin, pasalitain, ipataas ang mga braso. Sa Inggles, S, T, at R -- smile, talk, at raise arms. Ipa­habol ang dila o tongue.

Maaring makapagsalba tayo ng buhay kung kaka­bisaduhin natin ito, at ituturo sa iba. Maaring ang naturuan natin ay gawin ito sa atin, para tayo ang mailigtas.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments