EDITORYAL - Huwag Maging Kampante

MAHIGIT isang buwan na ang labanan sa Marawi City. Natigil lamang ng walong oras ang labanan noong Linggo dahil sa pagdiriwang ng pagtatapos ng Ramadan pero kahapon, balik na naman sa bakbakan. Sunud-sunod ang airstrikes. Ayon sa Armed Forces, nasa 200 Maute fighters na ang kanilang napapatay at mayroon pang mahigit 100 na nananatiling lumalaban. Noong Biyernes, sinabi ng taga­pagsalita ng AFP na napatay na ang isa sa Maute brother at isang dayuhan na financier ng grupo.

Sinabi pa ng military na desperado na raw ang mga terorista dahil sa sunud-sunod na pagkakahuli sa mga kamag-anak ng Maute brothers. Una nang nahuli ang ama ng Maute at makaraan ang isang linggo, ang ina naman ang nahuli. Marami pang kamag-anak ng Maute ang nahuli habang pasakay ng barko. Ang ilan sa kanila ay halatang napalaban dahil may mga sugat at mayroon pang putol ang paa. Sabi pa ng military, dahil masyado nang despe­rado ang mga miyembro ng Maute, marami sa mga ito (mahigit sa 100) ang humahalo sa mga sibil­yan na karaniwang nasa evacuation centers at ang iba ay sa mga barangay at nagkukunwaring sibilyan. Humahalo sila para hindi ma-detect ng military. Ina­abandona na raw ng mga ito ang kanilang baril at nagkukunwaring karaniwang mamamayan.

Ang mamamayan o mga nasa evacuation centers ang dapat na maging mapagmatyag sa kanilang mga kasama. Nararapat na kilalanin nila ang mga nakakasalamuha sa evacuation centers at baka isa sa mga ito ay teroristang Maute. Maging mapagduda sa mga taong makikita at baka hindi nila nalalaman na sa evacuation center pa magsasagawa ng pagpa­pasabog. Kamakailan, napaulat na magsasagawa ng panggugulo sa Metro Manila ang Maute na pina­bulaanan naman ng Philippine National Police.

Huwag maging kampante ang military at PNP at nararapat namang makipagtulungan ang mamamayan para lubusang malipol na ang mga teroristang Maute. Gaya ng sinabi ng AFP na desperado na ang mga ito kaya gagawa na nang matinding karahasan. Huwag hayaan ang mga “uhaw sa dugo” na tero­ris­tang ito na makapaghasik ng lagim. Magtulung-tulong lalo na ang mga nasa evacuation centers para maisuplong ang mga taong kahina-hinala ang kilos. Maging alerto sa tuwina.

Show comments