EDITORYAL - Martial law

HABANG nasa Moscow,  Russia, dineklara ni Pres. Rodrigo Duterte ang martial law sa buong Mindanao. Ito ay kasunod ng pagsalakay ng Maute Group at Abu Sayyaf sa Marawi City, Lanao del Sur noong Martes. Kinubkob ng mga terorista ang isang ospital at sinunog ang simbahan doon. Nagkaroon ng labanan at mayroong mga napatay. Mayroon din umanong dinukot na pari, church workers at mga sibilyan.

Pinutol ni Duterte ang pagbisita sa Russia at agad na bumalik sa bansa kahapon dakong alas singko ng hapon. Sa kanyang talumpati sa NAIA, sinabi niyang dineklara niya ang martial law para mapigilan ang paglawak ng kaguluhan sa Mindanao dulot ng terorista. Kailangang maprotektahan ang seguridad ng bansa. At maaring umabot pa sa Visaya ang martial law. May posibilidad din umano na baka ideklara sa buong bansa ang martial law. Sinabi ng Presidente na magiging malupit siya sa pagkakataong ito. Sinabi rin niya na kailangang ma-preserved ang bansa kaya siya nagdeklara ng martial law.

Maraming beses nang sinabi ni Duterte sa nakaraan na maaari siyang magdeklara ng martial law. Kauupo pa lamang niya noong Hunyo 2016 ay may himig na ng martial law ang namumutawi sa kanya. May kaugnayan sa paglaban sa illegal na droga ang dahilan kaya nais niyang magdeklara ng martial law. Kailangang mapreserba ang bansa, paulit-ulit niyang sinabi.

Maraming mambabatas ang sumasang-ayon sa pagdedeklara ni Duterte ng martial law sa Mindanao. Pero bakit naman pati sa Visayas at sa buong bansa na. Sa Mindanao lang may kaguluhan kaya dapat doon lang magkaroon ng batas military. Una nang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na wala pang nakakapasok na ISIS sa Metro Manila kaya ang pagdedeklara ng martial law sa buong bansa dahil dito ay hindi pa nararapat. Mag-concentrate lang sa Mindanao sapagkat naroon ang kalaban. Ibuhos ang pu-wersa para malipol ang mga terorista.

 

Show comments