Pagdating sa tax, si ‘Juan’ ang nagpapasan

PAGDATING sa isyu ng buwis, laging talo ang ordinar­yong mamamayan.

Ang maliliit na empleyado, bago pa man tanggapin ang paycheck, kinaltas na ng opisina ang buwis na dapat bayaran. Yung mga big corporations, kayang-kayang dokturin ang kanilang mga book of accounts para mabawasan nang malaki ang buwis na binabayaran. Yung iba nga, tulad ng naging kontrobersyal na kompanya ng siga­rilyo ay nameke pa ng mga tax stamps para dayain ang pamahalaan ng bilyun-bilyong halaga ng buwis.

At sa tuwing maglulunsad ng bagong buwis ang pama­halaan, palaging ordinaryong tao ang apektado. Ha­lim­bawa, kapag tinaasan ang buwis para sa mga pro­dukto, tataas din siyempre ang presyo ng mga ito at ang consu­mers ang nagpapasan ng bigat. Pati ang pagkain sa mga restawran na dinarayo ng mga karaniwang tao ay tuma­taas kapag may dagdag na value added tax.

Sa mga oligarchs at malalaking kompanyang manda­raya sa buwis, nagbigay ng babala si Pangulong Rod­rigo Duterte nang sabihing papaokupa niya sa sambayanang Filipino ang mga lupaing pag-aari ng mga oligarchs na hindi nagbabayad ng tamang buwis. Maganda iyan kung kayang totohanin ng Pangulo. Pero sabi nga ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, “It is only a warning. Babala lang.

He will take certain steps to make sure that the erring­ parties will respond. President is serious to the matter that government properties need to be returned,” wika pa ni Usec. Abella ukol sa pahayag ng Pangulo na pag-occupy ng mga Filipino sa lupaing pag-aari ng mga oligarchs sa sandaling hindi sila magbayad ng tamang buwis sa gobyerno sa loob ng 3 buwan.

Binatikos ng Pangulo ang mga oligarchs sa kanyang Labor Day message sa Davao City dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Anang Pangulo, hihilingin niya sa samba­yanang Filipino na okupahan ang mga lupang pag-aari ng mga oligarchs na ito kapag hindi nagbayad ng tamang buwis sa gobyerno sa loob ng 3 buwan. Just do it, Mr. President!

Show comments