Palpak -- sa kabutihan man o sa kasamaan

Nu’ng televised hearing ng Senado sa kidnapping-murder ng Korean, nagturuan ang tatlong pulis bilang salarin. Ani SPO4 Villegas sina Supt. Dumlao at SPO4 Sta. Isabel ang nagplano ng lahat. Ani Sta. Isabel sinangkot lang siya nina Dumlao at Villegas. Ani Dumlao hindi niya inutusan sina Sta. Isabel at Villegas na arestuhin ang Korean.

Sa nabulgar na P50-milyong suhulan sa Bureau of Immigration, nagturuan din sina Associate Commissioners Argosino at Robles, at intelligence chief Calima bilang promotor.

Sa pagka-masaker sa SAF-44 matapos maitumba ang dalawang wanted international terrorists, nagturuan din sina President Noynoy, ex-PNP chief Purisima, at Gen. Napeñas bilang maysala.

Talagang palpak ba ang Pilipino? Sa kabutihan man tulad ng pagtugis sa terorista o sa kasamaan tulad ng kid­napping at suhulan ay sumasablay kaya nauuwi sa sisihan? Ewan nga ba.

Nangailangan daw kamakailan si Bill Gates ng Micro­soft chairman para sa Europe, at 5,000 aplikante ang sumipot sa pagsubok. Nang sabihan niyang umuwi na ang hindi marunong sa computers, 3,000 sa kanila ang umalis. Ani Pilipinong si Juan sa sarili, hindi nga siya marunong sa computers, pero walang mawawala kung manatili siya.

Muli nag-anunsiyo si Gates na ang mga walang ma­nagement degree ay umuwi na, at 1,000 ang umalis. Ani Juan sa sarili, nagbulakbol nga siya sa kolehiyo, pero walang mawawala kung manatili siya roon.

Inanunsiyo naman ni Gates na maari nang umuwi ang hindi maka-salita ng wikang Serbo-Croat, at umalis ang lahat maliban kay Juan, na Tagalog lang ang alam salitain, at isa pang aplikante.

Bilang huling pagsubok sinabihan silang dalawa ni Gates na mag-usap sa wikang Serbo-Croat. Hindi naman marunong si Juan, kaya ang nasabi na lang sa katabi ay, “Pare, kumusta ka.”  Nagkibit balikat ang panga­lawa at sumagot, “Okey lang pare, e ikaw kumusta?”

Show comments