^

Babala ni Pope Francis tungkol sa Populismo

SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - March 14, 2017 - 12:00am

Mag-Ingat sa populismo, babala kamakailan ni Pope Francis, dahil baka magbunga ito ng bagong Hitler. Hindi siya nagpangalan ng sinuman. Pero tinukoy niya ang mga lumilitaw na populistang politiko sa iba’t ibang bansa -- sa France, Britain, Germany, at Sweden, sa America, at pati sa Pilipinas.

Tinutukoy na populismo ang pagiging saradong na­s­yo­nalista laban sa ibang bansa, ang pagbibintang sa ibang bansa ng lahat ng sakit ng lipunan, at ang pagta­guyod sa anomang popular sa publiko miski imoral o makasasama sa huli. Tinuturing na populista sina Marine Le Pen ng France, Boris Johnson at Nigel Farage ng Britain, Donald Trump ng America, at ang ating si Rodrigo Duterte.

Nananalo sa halalan ng iba’t ibang bansa ang mga populista dahil sa ngitngit ng mga mamamayan laban sa globalisasyon. Marami kasing nawalan ng trabaho at nalugi ang negosyo nang buksan ang mundo sa kalakal ng iba’t ibang bansa at halos burahin ang import duties. Ninanais ng maka-populista na pamunuan sila ng kamay na bakal, at sarahan ng pinto ng bansa ang mga dayuhan.

Ginunita ni Pope Francis na gan’un ang kalagayan ng mga Aleman matapos ang World War I. Binubusabos sila ng mga bansang tumalo sa kanila sa digmaan, at nais nilang bumangon mula sa kahihiyan. Pinalalayas nila ang mga dayuhan, na pinagbibintangan nila sa lahat­ ng mga suliranin ng bansa. Ang napala nila ay ang pag­halal kay Adolf Hitler na naging diktador, pala-digma, at mamamatay-tao.

Kamakailan lang nabunyag na lulong pala si Hitler at mga kapwa Nazis sa iba-ibang methamphetamines. Na-declassify ang ulat ng kanyang personal doctor na umaga hanggang gabi siya tinuturukan ng gamot para makabangon at makasalita. Pati mga sundalo ay naka-droga.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

POPE FRANCIS
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with