Naglahong pandisiplina sa salbaheng tsuper

PAULIT-ULIT sinasabi na disiplina ng tsuper ang mahalagang solusyon sa trapik sa kalunsuran. Totoo ‘yon. Maraming tsuper ang asal hari ng kalsada. Hindi iniisip ang perhuwisyong ginagawa sa kapwa. Kuma-counterflow at pumapara sa gitna ng kalye kaya napapahinto ang mga kasalubong at kasunod. Biglang umo-overtake mula sa kanan o nanggigitgit mula sa kaliwa kaya big­lang napapapreno at nagbabanggaan ang ibang mga sasakyan. Dala-dalawa o tatlu-tatlo pa ang lisensiya ng mga barumbadong tsuper, para kung makumpiska ng pulis ay may pamalit agad at patuloy na mambusabos sa daan.

Heto naman ang gobyerno na nagmamadaling i-extend ang bisa ng driver’s licenses mula tatlo hanggang limang taon. Aba’y kung disiplina ng tsuper ang kaila­ngan, hindi ba dapat ay tinesting muna sila nang mabuti bago binigyan ng lisensiya na mas mahabang bisa? Ano ba talaga, kuya?

Samantala, malinaw nang sumablay ang kontrata ng gobyerno para sa vehicle registration plates. Pinahinto ng Commission on Audit ang P3.8-bilyong bayarin dahil maanomalya ang bidding, blacklisted ang Pilipinong kontratista, at walang puhunan ang dayuhang partner. Hindi nga nila mabayaran ang customs duties kaya na­ipit sa Manila pier ang kauna-unahang delivery ng 11 cargo containers ng 600,000 plaka.

Balak umano ni Transport Sec. Arthur Tugade na pali­tan ng mas modernong plaka imbis na ang sumablay na kontrata. Pinag-aaralan niya umano ang mga may RFID (radio frequency identification) at iba pang security features. Sa gay’un mabilis matitiyak ng mga awtoridad kung peke ang plaka, nakaw ang sasakyan, o hindi magkatambal ang plaka sa sasakyan. Maganda ang gan’ung plano. Pero samantalang pinag-aaralan ‘yon, ihabla na dapat ang mga kumontrata ng naunang palpak na plaka.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments