Alitan lang sa kalsada

PINAGHAHANAP na ng PNP ang drayber ng SUV na namaril dahil sa alitan sa kalsada noong Sabado sa Quezon City. Patay si Anthony­ Mendoza nang barilin umano ng suspect na si Fredison Atienza, drayber ng Toyota Land Cruiser. Nakunan ng mga testigo ang plaka ng sasakyan – AHA 3458 (hindi AHA-3454). Sa mga detalyeng ito, masasabi na kung ang drayber ang may-ari mismo ng sasakyan, maykaya ito. Hindi rin ako magtataka kung may kilala ito sa gobyerno o PNP, kaya napakalakas ng loob pumatay ng tao.

Ang problema ay Sabado naganap ang kri­men, kaya sarado ang LTO. Hindi tuloy mala­man­ kaagad kung kanino nakarehistro ang sasakyan at naghintay pa ng Lunes. Sa mga lumi­pas na araw, baka nakatakas na ng bansa ang salarin, o nakipagpulong na kaagad sa abogado o sa kilalang padrino para maayos na ang kaso. Wala bang paraan para makita ng PNP ang database ng LTO ng mga sasakyan, para malaman kaagad kung kanino nakarehistro ang mga sasakyang sangkot sa krimen at mahuli kaagad? Hindi ko naman sinasabi na sana may mga computer ang mga sasakyan ng pulis tulad ng ibang bansa, dahil mahal at sigurado masisira lang kaagad, bukod sa mabagal na internet. Sana mahuli ang kriminal na salot lang sa kalsada. Parang napakadali na talagang pumatay ng tao ngayon.

Nananawagan ang kasintahan ng pinatay na tulungan silang hanapin ang mamamatay-tao. Ang mahalaga, matukoy, mahuli at makasuhan ang taong ito. Hindi siya puwedeng makalaya at makapag-maneho pa sa bansa, at baka madagdagan pa ang kanyang biktima. Alitan lang sa kalsada, walang pag-aalinlangan nang pumatay ng tao.

Show comments