Tubig at Langis

MADALING mangarap na ang mga opisyal ng pamahalaan na magkaiba ng partido ay tatalikdan ang pulitika at magkakaisa sa mga programa para sa bansa. Ako, laging nangangarap nang ganyan. Pero napag-iisip ko na ito ay isang mithiing lubhang idealistic. Masyadong matayog na mahirap maabot.

Nang unang hirangin ni Presidente Duterte si Vice President Leni Robredo bilang Housing Secretary, na­tuwa ako lalu pa’t iisiping personal na tumawag ang Pa­ngulo kay Robredo upang ialok ang posisyon. Magandang pahimakas ito na naisantabi na ang pulitika at kahit di magkapartido ay puwedeng nang magtulungan matapos ang eleksyon. Hindi pala.

Marahil, kahit si Duterte ay may ganoon ding pangarap. Ngunit may mga mapait na katotohanan sa pulitika na mahirap baguhin. Masyadong magkasalungat ang prinsipyo nina Duterte at Robredo. Sabi nga ng mga taga-Malacañang, “irreconcilable.” Hantaran ang pagtuligsa ni Robredo sa mga patakaran ni Duterte lalu na yung may kinalaman sa “extrajudicial killings” ang usapin sa paglilibing kay dating Presidente Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Marahil, sa atas na rin ng Pangulo, tinext ni cabinet secretary Evasco si Robredo na huwag nang du­malo sa mga cabinet meeting. Malinaw ang mensahe di ba?  Kaya naghain agad ng letter of resignation ang vice pre­sident. Hindi natin batid ang mas malalim na dahilan ng pagkakaitsapuwera ni Leni sa official family. Sayang.

Pero sa isang banda, mas malaya na ngayong magagawa ni Leni ang papel bilang fiscalizer sa pamahalaan para punahin ang ano mang kamalian ng admi­nistrasyon.

Show comments