Balik ang dating sitwasyon

AYON sa Palasyo, nakakapangisda na muli ang ating mga mangingisda sa Panatag Shoal, at hindi sila itinataboy ng Chinese Coast Guard. May mga ulat pa nga na wala na ang mga barko ng Chinese Coast Guard sa lugar, pero kailangan pang kumpirmahin ito ng ating militar. Pati ang US ay gusto ring malaman kung umalis na nga ang mga barko ng China sa Panatag. Kung totoo, napakagandang balita ito para sa ating mga kababayan na ilang taon ring hindi man lang makapasok ng Panatag Shoal at mapakinabangan ang mga biyaya ng dagat.

Kung bahagi ito ng napag-usapan sa China, kung may pinag-usapan nga, mabuting kilos ito mula sa China. Ang huling balita kasi ay may problema sa paggamit ng ilang salita sa ginagawang opisyal na kasunduan hinggil sa Panatag Shoal. Ayaw pumayag ng panig ng Pilipinas na gamitin ang salitang “pinayagan” o “payagan”, dahil ipinapahiwatig nito na sumasang-ayon na ang bansa na teritoryo na nga ng China ang Panatag Shoal. Walong grupo ng mga mangingisda mula Zambales ang nagtungo sa Panatag noong Miyerkules. Hindi daw sila hinarang o binantaan ng mga barko roon, at nananalig na makakapangisda na. Sana patuloy ang mabuting balitang ito. Ibig sabihin, sana wala nang problema ang lahat ng ating mangingisda na makabalik na roon.

Darating ang araw na hindi na pwedeng isantabi ni Pres. Rodrigo Duterte ang naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration. Sa ngayon, ayaw pang ilabas ang alas, ika nga, dahil sa gustung-gusto na maging kaibigan, kaalyado pa nga ang China. Ilang bilyong dolyar ng pautang at puhunan ang pinagkasunduan ng dalawang bansa noong magtungo si Duterte sa China. Pero may ilang mga kompanya na nakalagda sa mga kasunduang iyan ang may hindi magagandang rekord sa bansa, pati sa mundo.

Idinaan ng bansa ang problema ng karagatan sa tamang proseso. Lumabas ang desisyon, na naging pabor sa atin. Kailangang respetuhin ang desisyon, kundi, wala nang saysay ang mga korte ng mundo. Tama lang na umalis na ang mga barko ng China sa Panatag, kung umalis na nga sila. Hindi naman ipinagbabawal ang mga mangingisda ng China na makapangisda rin doon. Bago ang “gulo”, magkakaibigan ang mga Pilipino at Tsinong mangingisda na nagkikita sa Panatag. Nagtutulungan pa nga. Inaasahasan na bumalik muli ang ganitong sitwasyon, kung saan wala nang mga barkong coast guard o militar sa lugar. Kung mangyari ito, matagumpay na rin ang naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration.

Show comments