Well done

PATAY na si Muhammad Ali. Sa hindi mabilang na hene­rasyon saan mang lugar sa mundo, si Muhammad Ali ay isang celebrity na hinangaan hindi lamang sa kanyang kagalingan bilang atleta. Siya’y tiningala dahil sa kanyang paninindigan at sa hindi makuwentang tulong at inspirasyon na pinamahagi sa napakarami.

Nang una kong masilayan si Muhammad Ali, binago nito ang karaniwang imahe ng boxer. Sa gaang ng kanyang mga paa sa ring, mas dancer nga ang dating nito kaysa manununtok. Ganoon pa man ang dating niya, hindi makaila ang kanyang husay sa boxing -- ang kanyang mga istratehiya at stamina, ang lakas ng mga suntok at ang tibay ng panga. Itinaas niya ang antas ng professional boxing­ at ang estimasyon ng tao sa mga naghahanap buhay sa ganitong paraan.

Ang sunod na kabanata ni Ali sa kasaysayan ay ang kanyang napakapublikong pagtanggi sa pagsali sa US Army noong panahon ng Vietnam War. Kahit ito’y dapat mapabilang sa mga nagpapalista (at wala naman itong exemption sa health), pinangatawanan niya ang kanyang paniwala na hindi niya kaaway ang mga Vietcong at hindi siya dapat piliting awayin ang mga ito. Dahil sa kanyang pagsuway sa itinalaga ng batas, tinanggalan ito ng kanyang titulo bilang heavyweight boxing champion. Ito na marahil ang pinakatanyag na halimbawa ng taong piniling ipagpalit ang kanyang kayamanan para sa kanyang mga paniwala.

Sa malaon ay lumabas ang sakit ni Ali na Parkinson’s Disease at dahil dito ay nabawasan na ang exposure niya sa mundo. Sa kabila nito ay hindi pa rin siya nagpaawat ng ipahiram ang kanyang presensiya at imahe sa hindi mabilang na charitable causes. Ang dating barumbadong boxer at pasaway sa Army ay, sa huli, naging idolo ng lahat dahil sa kanyang pagkatao. 

Ang pagkamatay ni Muhammad Ali ay malaking kawalan sa ating lahat. Sanay sariwain natin ang kanyang buhay at ibahagi ito sa mga bagong henerasyon nang malaman nating lahat ang tunay na kahulugan ng pagiging “the Greatest” sa ating pang-araw-araw na buhay.

Show comments