EDITORYAL - Dagdagan pa, mga pulis na nagpapatrulya

SUNUD-SUNOD ang mga nangyayaring krimen sa Metro Manila sa kabila na may election gun ban. Maraming masasamang-loob ang nambibiktima at pawang baril ang ginagamit sa paggawa ng krimen. Lalo pa silang naging mabangis ngayon. Sumasalakay kahit sa karamihan ng tao at matin­ding sikat ng araw. At sa kabila na mga sunud-sunod na pagpatay, hindi agad makasaklolo ang mga pulis. Kulang na kulang ang mga pulis sa kalsada. Kahit malapit ang kanilang presinto sa pinang­yarihan ng krimen, hindi agad makaresponde.

Noong isang linggo, isang babae na magdedeposito ng kinita ng kanilang tindahan sa Raon, Quiapo ang walang awang binaril sa ulo at saka kinuha ang pera na nagkakahalaga ng P100,000. Inakbayan umano ng holdaper ang babae at binaril at saka kinuha ang bag na may pera. Nang mga sandaling iyon, nasa di-kalayuan ang mga pulis na nagsasagawa ng clearing operation sa Carriedo. Malapit din ang police station na nasa gilid lamang ng simbahan ng Quiapo. Pero walang nakaresponde. Walang anumang nakatakas ang holdaper bitbit ang kalibre .45.

Noong Martes, isang condominium sa Moonwalk, Parañaque ang nilooban at sinunog pa ng dalawang armadong magnanakaw. Namatay sa suffocation ang guro na may-ari ng unit na pinagnakawan. Nakatakas ang mga armadong suspect tangay ang hindi pa malamang halaga. Bago tumakas binaril pa ang guwardiya ng condominium.

Aktibo rin ngayon ang mga holdaper ng dyipni na ang binibiktima ay mga empleado at estud­yante. Armado ng baril at patalim ang mga holdaper na karaniwang nambibiktima sa mga pasahero ng dyipni habang nasa Quezon Bridge sa Quiapo. Laganap din ang holdapan sa kanto ng Recto at Morayta, sa kanto ng Rizal Avenue at Doroteo Jose St., sa kanto ng Aurora Blvd. at EDSA, Quezon City at iba pang lugar sa Metro Manila.

Mabangis ang mga kriminal ngayon at wala nang kinasisindakan. Nararapat na magpakita ng bagsik ang mga pulis sa nangyayaring ito. Kakahiya ang pamamayagpag ng mga masasamang loob at hindi naman makaresponde ang mga pulis. Nararapat dagdagan ang mga pulis na nagpapatrulya sa kalsada.

 

Show comments