Bakit hindi raw tumayo si Mabini?

NADISMAYA si Pres. Noynoy Aquino nang malaman na may mga estyudyanteng nagtanong kung bakit hindi man lang tumayo si Apolinario Mabini sa pelikulang “Heneral Luna”, na ginampanan ni Epy Quizon. Pati ako ay napailing, nalungkot at medyo nainis. Malinaw na hindi nila kilala ang bayaning si Mabini. Hindi nila alam na nalumpo ito dahil sa polio. Tinamaan siya ng sakit bago naganap ang rebolusyon noong 1896. Dahil dito, sinabihan niya si DepEd Sec. Armin Luistro na tingnan kung paano itinuturo ang kasaysayan ng Pilipinas. Sigurado kulang na kulang ito dahil sa rebelasyong ito.

Kung ang EDSA revolution noong 1986 ay hindi rin masyadong alam ng ilang kabataan ngayon, paano pa kaya ang mga nangyari ilang siglo na ang nakaraan? Pati ang martial law ay hindi rin masyadong alam. Ito ang kailangang matukoy ng mga paaralan. Mahina ang kabataan ngayon sa kasaysayan ng bansa. Pero kung tatanungin sila sa mga bagong modelo ng cell phone, teleserye at buhay ng mga artista o karaniwang na sumisikat dahil sa TV at internet, alam na alam nila ito.

Maraming nagandahan sa “Heneral Luna”. Sinikap nang husto ng mga manunulat at direktor na maging tapat sa buhay ng heneral. Mga karakter, mga uniporme, lahat nang maliliit na detalye ay isinama sa pelikula. Kung ganito ang isang paraan para maturuan ang kabataan, pati na rin mga matatanda na hindi rin alam ang kasaysayan ng bansa, sang-ayon ako. Gawing pelikula ang buhay ng iba pang bayani at mamamayan. Makulay ang ating kasaysayan. Kailangang malaman ng lahat ng mamamayan, bata man o matanda.

Maraming nakagusto sa “Heneral Luna”. Bagama’t hindi naman intensyon ng direktor na magbigay kulay sa ilang mga karakter, ito ang pinag-uusapan ng lahat ng nakapanood. Patunay na epektibo ang pelikula sa paglalarawan sa lahat nang karakter. Sigurado ako na matapos panoorin ang “Heneral Luna”, marami ang nagbukas ng kanilang mga laptop, iPad o telepono para maghanap ng karagdagang impormasyon pa sa mga karakter. Kung ganito na lang siguro ang ginawa ng mga nagtanong tungkol kay Mabini, hindi na sana umabot sa Presidente ang kanilang kamangmangan.

Show comments