EDITORYAL – Graphic warnings ilagay sa pakete ng yosi

MAY report na nagla-lobby umano ang mga kompanya ng sigarilyo sa Department of Trade and Industry (DTI) para maatrasado ang implemen­tasyon ng paglalagay ng graphic warnings sa pakete o ‘yung mga picture ng sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Nakasaad sa batas na dapat ay naka-print na ang mga picture ng sakit sa darating na Nobyembre 5, 2015. Maraming nangangamba, lalo na ang mga cancer survivors na hindi masunod ang batas. Ayon pa sa report, wala pang iniisyung implementation rules and regulations ukol sa Graphic Health Warning (GHW).

Ang paglalagay ng graphic warnings sa pakete ng sigarilyo ay nakasaad sa Republic Act 10643 na pinirmahan ni President Noynoy Aquino noong nakaraang taon. Kabilang sa mga ilalagay sa kaha o pakete ng sigarilyo ay mga retrato ng sakit na nakukuha sa paninigarilyo gaya ng cancer sa baga, lalamunan, bibig, pisngi, dila, emphysema, katarata at sakit sa puso. Bukod sa mga retrato ng sakit, obligado rin ang mga cigarette companies na ilagay ang mga mensahe na nagpapaalala na masama sa kalusugan ang paninigarilyo. Sa kasalukuyan, maliit na mensahe lamang ang nakalagay sa bawat kaha ng sigarilyo na halos hindi mabasa. Layunin ng paglalagay ng mga retrato ng sakit sa mga kaha na mapigilan ang mga naninigarilyo at mga nagbabalak pa lamang. Inaasahang marami ang magdadalawang-isip na manigarilyo kapag nakita ang mga retrato ng sakit.

Sa Southeast Asia, tanging ang Pilipinas na lamang ang walang graphic warning sa kaha ng siga­rilyo. Sa ginawang pag-aaral, maraming tumigil sa paninigarilyo nang makita ang nakaririmarim na sakit na nakalarawan sa kaha ng yosi. Nabawasan ang bilang ng mga nagyoyosi sa Thailand, Aus­tralia at Canada.

Ayon sa Department of Health (DOH), 87,600 Pilipino ang namamatay taun-taon dahil sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Nasa panganib din umano ang mga taong laging nakakalanghap ng usok ng sigarilyo.

Huwag bastusin ng mga cigarette company ang batas. Ilagay ang graphic warnings sa mga pakete ng yosi.

Show comments