MARAMI pa rin ang mga nabibiktima ng mga nasa likod ng Budol-budol.
Bagamat gasgas na ang modus na ito, wala pa ring kadala-dala ang marami. nahihimasmasan nalang sila kapag naisagawa na ang krimen.
Ang kanilang sinasabi, nahipnotismo sila dahil napasunod sila ng grupo na magbigay ng pera, alahas at iba pang mga mahahalagang bagay.
Walang hipnotismo. Ang totoo, may itinatago ring kasakiman ang target victim at nasilaw doon sa mga mga kapalit na ipinangako ng nasa likod ng Budol-budol.
Organisado ang operasyon ng sindikato. Bawat isang myembro ng grupo, may papel na ginagampanan. Gamit ang mga ‘budol’ money, napapaniwala nila ang kanilang puntirya na totoo ang bundle-bundle ng pera na sinasadya talaga nilang ipakita.
Tinawag itong ‘budol’ dahil tunay na pera ang nasa ibabaw subalit sa gitna at ilalim ay mga ginupit-gupit na papel o diyaryo. Kung hindi ka sanay sa ganitong uring modus, aakalain mo itong totoong pera.
Kadalasang makikita ang grupo sa mga lansangan at matataong lugar. Ang estilo, lalapit sila sa kanilang target. Kukunin ang atensyon, magmamagandang-loob at kunwari’y hihingi ng direksyon papunta sa pinakamalapit na bangko.
Ang iba naman, nagpapaawa o sinasadya talagang magmukhang kaawa-awa na parang takot na takot sa lugar. Iisa ang kanilang layunin, ang mahatak ang bibiktimahin at mahulog sa kanilang BITAG.
Mahirap basahin ang anyo ng mga sindikato dahil nag-iiba-iba sila ng estratehiya. Pero ang gasgas na nilang estilo, magpapain ng mga magagandang babae o hindi naman kaya isang matandang lola na sa halip na iwasan mo, maaawa at mapapalapit ka.
Dahil salat ka sa kaalaman, maaakit ka sa boladas at personalidad ng mga nagpapanggap na dorobo. Dito na nangyayari ang modus.
Abangan ang mga babala kontra modus sa BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.