EDITORYAL - Ang Konstitusyon ang ‘boss’ ng SC

KUNG si President Noynoy Aquino ay lagi nang bukambibig na ang taumbayan ang kanyang “boss”, sinabi naman ng Supreme Court sa pamamagitan ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na ang kanilang katapatan ay nasa Konstitusyon. Nagsalita si Sereno sa mediamen noong Huwebes at mariin niyang sinabi na ang SC ay isang independent na korte at ang tangi nilang susundin ay ang nakatadhana sa Konstitusyon. “It should be clear to everybody that the Supreme Court could only be loyal to the Constitution,” sabi ni Sereno. At idinagdag pa niya, “The Judiciary is strong if the people believe in it.”

Ito ang unang hayagang pagsasalita ni Sereno sa harap ng media makaraan ang mahigit dalawang buwan mula nang ideklara ng SC na illegal ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na nilikha ng Malacañang. Nanaig ang 13-0 vote. Ayon sa SC, bawal ang paglilipat ng pondo mula sa ibang departamento. Ang arkitekto ng DAP ay si Budget Sec. Florencio Abad. Umani ng batikos si Abad dahil sa kontro-bersiyal na DAP. Napag-alaman na galing din sa DAP ang ipinamudmod sa mga senador makaraang ma-impeached si dating SC Chief Justice Renato Corona.

Mula nang lumabas ang pasya ng SC sa DAP, nagkaroon na ng “lamat” sa pagitan ng Executive at Judiciary. Hindi matanggap ng Malacañang ang pasya ng SC kaya nang magsalita si P-Noy sinabing iaapela raw ang desisyon. Tila may hinanakit ang Presidente sa hindi inaasahang pasya ng SC ukol sa DAP lalo pa’t siya ang nag-appoint kay Sereno sa puwesto.

Hanggang sa magkasunud-sunod pa ang isyu sa pagitan ng Malacañang at SC. Sinabi ni P-Noy na kailangan daw magkaroon ng transparency sa SC sa pamamagitan ng paglalantad ng SALN ng mga justices. Ito ay makaraang tanggihan ng SC ang hiling ng BIR na magbigay ng kopya ng kanilang SALN ang mga justices. Wala naman maipaliwanag ang SC kung bakit ayaw nilang ibigay ang kanilang SALN.

Sa nangyaring “gusot”, makikitang may sariling desisyon at kalayaan ang SC. Hindi sila maaaring diktahan kahit na nag-upo pa sa kanila. Loyal nga sila sa Konstitusyon. Wala silang ibang “boss” kundi ang Saligang Batas. Sana nga ay manatiling ganito ang SC na malayo sa anino ng mga pulitiko. Susuportahan sila ng taumbayan kung iimbestigahan din ang mga corrupt sa judiciary.

Show comments