Dapat may mando rin

NGAYON na mismong sina Senate President Frank Drilon at si Sec. Leila de Lima ang sumiguro na mailalabas sa Senado ang “listahan” na isiniwalat ni Janet Napoles, maari na tayong huminahon. Maraming ika-iirita sa mga pangyayari. Siyempre, dagdag kunsumisyon ang hindi makatwirang pagsupil ni De Lima sa mga pangalan ng ibang kasangkot gayong wala siyang  pakundangang idiin ang tatlong senador na nauna nang ibinulgar. Kaya tuloy hindi maialis sa kutob ng madla na may whitewash na nagaganap. Subalit higit sa lahat, ang katotohanan pa rin ang hanap ng mamamayan. Mailabas lamang ang kabuuan ng listahan ay ok na sa nakararami.

Mailabas man ang katotohanan ay hindi dapat bale walain ang implikasyon ng mga pagkilos nitong si De Lima. Gustuhin man niya o hindi, sa isip ng tao ay mayroon itong pinagtatakpan at, siempre, sino pa kung hindi mga kaalyado ng administrasyon ang suspetsa? Bilang Secretary of Justice, ang impormasyong ibinigay sa kanya ay public information na may karapatan  tayong malaman. Gulo raw kung pangalanan ang mga kasangkot? Bakit hindi ininda ang kaparehong katwiran noong sina JPE, Jinggoy at Bong ang pinangalanan?

Ang pinakanakakabahala ay ang masaksihan ang isang tao na wala man lang mando mula sa taumbayan, na 10 beses na yatang ni-reject ng Commission on Appointments ang  kanyang nominasyon, na para bang pinaglalaruan lang ang kapalaran ng mga opisyal na halal ng milyon milyong Pilipino. Ang kanyang mga pinapangalanan ay pawang mga ginawaran ng tiwala at kumpiyansa ng kanyang mga kababayan. Sila ay mga kinatawan ng lahat ng mamamayan, habang heto siya, hindi lang sa walang mando – 10 beses na rin yatang na-by pass sa kabila ng paulit-ulit na pagpilit sa kanyang appointment.

Ang ganitong hindi maayos na sitwasyon ay naiwasan sana kung pinangatawanan lang ni P-Noy ang posisyon niya noong hindi pa Pangulo na ang mga Kalihim na dalawang beses lang ma-by pass ay ituring na rejected na ng Commission. Sa ganitong kasensitibong kaso, mas katanggap tanggap kung ang humahawak ng prosekusyon ay may tunay na mando ng tao.

Show comments